ARESTADO ang suspek sa panggagahasa sa dalawang bata sa Marikina City nang matunton sa pinagtataguang lugar sa lalawigan ng Sorsogon.
Kinilala ni PCol. Villamor Tuliao, district director ng Eastern Police District (EPD), ang suspek na si alyas “Buboy,” 39-anyos, at tinaguriang ika-7 sa most wanted persons ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Batay sa imbestigasyon, palaging pumupunta sa bahay ng suspek ang dalawang batang biktima upang makipaglaro sa anak nito.
Sinamantala umano ng suspek ang pagkakataon at minolestya ang 8-anyos at ginahasa naman ang pinsan nitong 7-anyos.
Nang mabuking ang ginawa niya sa dalawang biktima, nagtago ito sa bayan ng Prieto Diaz sa lalawigan ng Sorsogon.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Acting Presiding Judge ng RTC Branch 192 ng Marikina City, inaresto ang suspek ng pinagsamang puwersa ng Warrant and Subpoena Unit, 1st Provincial Mobile Force Company ng Sorsogon Provincial Police Office, Prieto Diaz Municipal Police Station at Marikina PNP.
“Nakakadurog ng puso ang nangyari sa mga inosenteng bata. Paglalaro at kasiyahan lang sana ang nasa kanilang isipan ngunit sa murang edad ay naranasan na nila ang karahasan ng isang mapagsamantala sa kanilang kahinaan,” ang pahayag ni Tuliao.
Ang suspek na sinampahan ng 2 counts ng child abuse at 3 counts ng acts of lasciviousness, ay kasalukuyang nakapiit sa Prieto Diaz Municipal Police Station at inihahanda na para ilipat sa Marikina City Police Station. (NEP CASTILLO)
