NAGWAKAS ang sampung taong pagtatago sa batas ng isang lalaki na wanted sa kasong panggagahasa sa Valenzuela City, nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Ayon sa Valenzuela City Police, nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa nasabing lugar ang akusadong si alyas “Jonathan”, 30, na kabilang sa most wanted persons sa lungsod, kaya agad bumuo ng team mula sa Warrant and Subpoena Section (WSS) at Station Intelligence Unit.
Nakipag-ugnayan sila sa 402nd Maneuver Company-Regional Mobile Force Battalion (MC-RMFB), 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) at Mamburao Municipal Police Station sa Occidental Mindoro bilang koordinasyon sa pagdakip sa akusado.
Dakong alas-6:40 ng umaga kahapon nang madakip ang akusado sa kanyang bahay sa GCFI Farm II, Brgy. Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro.
Inaresto ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Lilia Mercedes Encarnacion A. Gepty ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 75.
Samantala, hindi umabot nang buhay sa ospital ang isang lalake matapos pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaki na kanyang kausap sa Navotas City.
Kinilala ang biktimang si alyas “Tisoy”, residente ng E. Rodriguez St., Brgy. Tanza 1.
Ayon kay Navotas City Police chief, P/Col. Mario Cortes, agad nakilala ang mga suspek na sina alyas “Mark Bryan”, 24, construction worker, at “Antonio”, 25, tattoo artist, kapwa residente ng Brgy. Tangos South.
Ayon sa imbestigasyon dakong alas-11:35 ng umaga noong Martes nang mangyari ang insidente sa M. Domingo St., Brgy. Tangos North, habang kausap ng biktima ang mga suspek.
Ayon sa saksing ayaw magpakilala, nakita niyang isa sa mga ito ang biglang naglabas ng baril at pinagbabaril si alyas “Tisoy”.
Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng isang puting e-bike patungo sa M. Domingo St., Brgy. Tangos North habang isinugod naman ang biktima sa pagamutan subalit hindi na umabot nang buhay.
Sa ikinasang follow-up operation ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence Section, SIDMS at Sub-Station 2, agad naaresto ang mga suspek. (MARDE INFANTE)
