OBLIGADONG bayaran ng insurance company ang may-ari ng nakarnap na sasakyan kahit ito ay nabawi na, ayon sa Korte Suprema.
Base sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, inatasan ng Ikatlong Dibisyon ng Korte Suprema ang UCPB General Insurance Company, Inc. na bayaran si Wilfrido Wijangco ng insurance claim kahit nabawi na ang kanyang nakarnap na sasakyan, alinsunod sa umiiral na insurance policy.
Ayon sa Korte Suprema, tinutukan ng patalim ang anak ni Wijangco sa isang paradahan bago tangayin ng mga armadong lalaki ang sasakyan.
Agad itong iniulat sa pulisya at nagsampa siya ng insurance claim sa UCPB, pero tinanggihan ito ng kompanya.
Sa kasong isinampa ni Wijangco laban sa UCPB, pinagtibay ng Korte Suprema ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na nagsasaad na mananagot ang insurer dahil naganap na ang pagnanakaw, at hindi ito nabubura kahit mabawi pa ang sasakyan.
Binigyang-diin din ng Korte Suprema na lumampas ang UCPB sa 90-araw na legal na palugit para ayusin ang claim, at bukod pa rito ay may sira at hindi na maayos ang kondisyon ng sasakyan nang ito’y mabawi.
Dahil dito, inatasan ang UCPB na bayaran si Wijangco ng P1.8 milyon bilang insurance proceeds na may kasamang dobleng interes, P180,000 para sa attorney’s fees, at P200,000 bilang danyos.
(JULIET PACOT)
