INANUNSIYO ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring iparating sa Hotline No. 16545 nito ang mga reklamo ng mamamayan hinggil sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.
Sabi ng DSWD, ang mga nakikitang anomalya o anomang reklamo hinggil sa pamamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda sa SAP ng administrasyong Duterte ay maaaring iparating sa DSWD’s Grievance Center, sa pamamagitan ng naturang numero.
Puwede ring magtungo sa pinakamalapit na sangay ng DSWD kung sa tingin nila ay kuwalipikado silang makatanggap ng ayuda mula sa SAP, ngunit hindi nabigyan ng DSWD, patuloy ni DSWD Undersecretary Camilo Gudmalin.
Batay sa batas na “Bayanihan to Heal as One” na pinagbabatayan ng SAP, 18 milyong “pinakamahihirap” na pamilyang Filipino ang makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 (depende sa minimum na sahod kada buwan bawat rehiyon) ngayong Abril at sa Mayo.
Ngunit, hindi kasama ang mga punong barangay (PB), kagawad at iba pang opisyal ng barangay sa dapat makinabang sa pera ng pamahalaan.
Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na makatitikim ng kaukulang parusa ang mga opisyal sa local government units (LGUs) at mga barangay na lalabag sa Bayanihan Act.
Nilinaw naman ni Secretary Harry Roque, tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na makatatanggap ng ayudang P5,000 hanggang P8,000 sa Mayo ang mga pamilyang nakatira sa mga rehiyon at lalawigang wala nang “enhanced community quarantine” (ECQ) pagkatapos ng Abril 30. NELSON S. BADILLA
262 