ATUBILI si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa usapin ng pagbibigay ng supplemental budget sa national government para labanan ang COVID-19 pandemic.
Sa halip, nais ni Lacson na magpaliwanag ang economic managers kung bakit kailangan ng supplemental budget gayung may bilyon-bilyong pondo pa ang hindi nagagalaw sa 2019 national budget.
Binigyang-diin ni Lacson na sa pagtatapos ng 3rd quarter ng 2019, nasa P1.3 bilyon pa ang hindi nagagastos ng gobyerno sa ilalim ng 2019 General Appropriations Act.
Sa naturang pondo, nasa P989 bilyon ang mula sa executive branch, partikular mula sa mga ahensya na hindi pa nagagalaw ang pondo para sa ilan nilang proyekto.
“May savings pa, may unused pa sa 2019. Dapat puwedeng gamitin din ‘yun kasi extended pa ‘yung spending validity. So puwedeng kumuha sila doon. Mas dapat ngang kumuha doon dahil hindi talaga nagamit ng ahensiya ‘yun,” saad ni Lacson.
“Ngayon ang tanong: Bakit tayo kakapusin? Hindi ko lang maintindihan ito kaya dapat maipaliwanag din nila kung magkakaroon kami ng pagdinig tungkol dito…. So kailangan maipaliwanag ng DBM, ng NEDA, ng DOF, sabihin na rin natin ang National Treasurer, nasaan ‘yung pera?” dagdag nito. (Dang Samson-Garcia)
206 