REP. NOGRALES ITINULAK MATULDUKAN CHILD LABOR

(JOEL O. AMONGO)

HINIMOK ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang gobyerno na palakasin ang mga polisiya para puksain o mawala ang child labor sa bansa.

“We need to exhaust more measures and enlist more allies so we can protect our children from the dangers of child labor and exploitation,” anang mambabatas.

Idinagdag pa nito na parami nang parami ang mga batang napipilitang magtrabaho mula noong pandemya,” batay sa data ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan ang bilang ng child laborers sa bansa ay tumaas noong 2021.

Ayon sa PSA, nasa 1.37 million na nagtatrabahong kabataan ay may edad na 5 hanggang 17 taong gulang noong 2021.

Ito ay mas mataas kung ikukumpara sa 872,333 kabataan sa parehong edad na nagtatrabaho noong 2020.

Nais ni Nograles na rebisahin ang House Committee on Labor and Employment o gumawa ng hakbang sa pagpuksa ng child labor sa bansa.

Sinabi pa na kailangan ng higit pang ‘social protection services, quality education, and better economic opportunities’ na magpapagaan sa kahirapan sa pamilyang Pilipino.

Idinagdag pa ng PSA na 62.8 percent o 858,000 ng child laborers ay lalaki, habang ang kabataang babae ay 37.2 percent o 508,200.

Nasa 45.7 percent ng child laborers ay sa agricultural sector, sinundan ng services sector na may 45.4 percent.

Kasabay nito, tiniyak ng mambabatas na makikipagmiting siya sa ibang stakeholders para pag-usapan ang mga hakbang upang solusyunan ang usapin.

“Hindi lang ito usapin ng batas. Ang kailangan natin dito ay multi-sectoral approach. Nananawagan ako hindi lang sa pamahalaan, kundi pati na rin sa mga partner natin sa private sector, academe, non-government organizations, at mismong mga komunidad natin na makipagtulungan at makipagkaisa kontra sa child labor,” ayon pa sa kanya.

“Ang mga bata, dapat nag-aaral at naglalaro, hindi nagtatrabaho, upang lumaki silang kayang abutin ang rurok ng kanilang potensyal,” pahabol pa ni Nograles.

154

Related posts

Leave a Comment