RICE HOARDERS KINONDENA NG MGA MAGSASAKA

DAPAT pangalanan at kailangang parusahan ang mga nag-iimbak ng mga bigas, ito ay makaraang madiskubre ang nakaimbak na mga bigas sa isang warehouse sa Bocaue, Bulacan.

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, ang natuklasang nakaimbak na bigas ay panibagong kaso ng hoarding at panloloko sa publiko.

Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni National Bureau of Investigation Director Jaime Santiago, daan-daang toneladang lumang imported na bigas ang nadiskubre sa nasabing warehouse.

Napag-alamang pinaghalo-halo ang iba’t ibang varieties, at gumamit ng artipisyal na pabango upang palabasin ito bilang Class-A na bigas.

“Tahasan ang garapalang panlilinlang at pagsasamantala sa mamamayan, lalo na sa panahon ng mataas na presyo ng bigas at krisis sa pagkain! Hindi sapat ang pagsampa ng kaso sa ilang tauhan ng warehouse,” ayon sa KMP chairperson.

“Dapat malaman ng taumbayan ang buong katotohanan—Sino ang tunay na may-ari ng warehouse? Sino ang mga malalaking negosyanteng nasa likod ng operasyon na ito? Bakit hanggang ngayon ay itinatago pa ang kanilang pagkakakilanlan?” tanong nito.

Napakalinaw aniyang isang malaking krimen ito laban sa mamamayan—kaso ng economic sabotage, na nagpapahirap sa mga magsasaka at mamimili.

Ilang buwan umanong minanmanan ng NBI ang naturang warehouse. “Ang tanong: Sino ang mga nasa gobyernong protektor ng sindikatong ito? Ilang beses na nating nakita ang mga ganitong modus—kung hindi smuggling, hoarding naman ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Panahon nang ilantad ang mga nasa likod nito at papanagutin sila sa harap ng batas at mamamayan!” dagdag pa nito.

Bunsod nito, nananawagan ang grupo ng mga magsasaka sa gobyerno na busisiin ang natuklasan. Huwag aniyang pagtakpan at itago ang pangalan ng mga sangkot dito.

Ilantad aniya ang tunay na may-ari ng warehouse, bigyan ng hustisya ang mga magsasaka at konsyumer na patuloy na binibiktima ng ganitong kabulukan sa sistema.

Dapat aniyang patawan ng pinakamabigat na parusa ang sinomang mapatutunayang sangkot sa sindikatong ito.

Hindi aniya dapat palagpasin ang mga ganitong katiwalian. (RENE CRISOSTOMO)

61

Related posts

Leave a Comment