Sa Caloocan City IKATLONG DISTRITO APRUB SA PANGULO

APRUBADO na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagkakaroon ng Ikatlong Distrito ng Lungsod ng Caloocan.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11545, hahatiin ang unang distrito ng Caloocan sa dalawa at mapapasailalim sa District 1 ang mga Barangay 1-4, 77-85, 132-177 habang nasa District 3 naman ang Barangays 178-188.

Nagpasalamat naman si Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan kina Pangulong Duterte, Senador Francis Tolentino, Senador Imee Marcos, at Congressman Along Malapitan sa pagsusulong ng mga ito sa paghahati ng Unang Distrito ng Caloocan.

“Malaking bagay ang ginawa ni Cong. Along para sa Caloocan. Sa pamamagitan ng kanyang panukala, mas mabibigyan ng boses ang mga mamamayan ng Caloocan sa Kongreso at higit na matututukan ang pangangailangan ng mga ito. Nagpapasalamat din tayo sa lahat ng senador at kongresista na sumuporta sa panukalang ito sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso. Higit sa lahat, ang aking taos pusong pasasalamat kay Pangulong Duterte sa pag-apruba nito.” ani Malapitan.

“Mula District 1, District 2, hanggang sa ating pinakabagong distrito, ang District 3, patuloy po ang ating aksyon at malasakit upang higit na maramdaman na dito sa Caloocan, tao ang laging una,” dagdag ng alkalde. (ALAIN AJERO)

200

Related posts

Leave a Comment