PATAY ang isang 47-anyos na ginang matapos na tumama ang ulo sa semento nang itulak ng kanyang live-in partner habang sila ay nagtatalo sa Navotas City noong Huwebes ng gabi.
Ayon kay Navotas Police chief, P/Col. Dexter Ollaging, isinugod ng kanyang mga kaanak sa Tondo Medical Center ang biktimang si Lilia Salido ng #91 B. Caseñas St., Brgy. Tangos North ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng pinsala sa ulo.
Nahaharap naman sa kasong homicide ang live-in partner ng biktima na kinilalang si Charles De Leon, 41, electrician, inaresto ng mga tauhan ng Navotas Police makaraan ang insidente.
Ayon kay Col. Ollaging, nag-inuman ang dalawa dakong alas-5:00 ng hapon sa second floor ng kanilang bahay ngunit humantong ito sa mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo, itinulak umano ni De Leon ang biktima naging dahilan upang bumagsak ito at tumama ang ulo sa sementadong sahig.
Narinig ng nakababatang kapatid ng biktima ang malakas na kalabog kaya mabilis itong umakyat at nagulat nang makitang umaagos ang dugo mula sa ulo ng kanyang ate. (FRANCIS SORIANO)
226
