Sa Housing Department P1.8-B ‘PORK’ NI LAO PINAHUHUKAY

(ESTONG REYES)

HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang Commission on Audit (COA) na subaybayan ang higit sa P5B nakolekta mula sa private housing developers alinsunod sa Urban Development and Housing Act.

Sinabi ng senadora na mula sa P5 bilyon – kabuuang halaga ng mga inilagay sa mga escrow account sa ilalim ng iba`t ibang pangalan -1.8-B ay iniulat na ginastos ni dating Usec. Si Christopher Lloyd Lao sa panahon ng panunungkulan nito sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

“Tumataginting na P5-B ang nakolektang pera mula sa private housing developers simula nang pumasok si Usec Lao sa HLURB, na pahirap sa maraming maliliit na developers. Hindi maipaliwanag at matagpuan kung saan ginasta ang malalaking tipak nito noong panahon ni Lao,” ani Hontiveros.

“Walang paper trail. Ang pera ay dapat napunta para sa pagtatayo ng murang bahay ng minimum wage earners, pati na yung mga gustong umalis mula sa informal settlements. I urge COA to look into this matter and immediately, and I urge the Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) to cooperate without hesitation,” dagdag pa niya.

Paliwanag ni Hontiveros, sa panahon na nagsisilbi si Lao bilang Chief Executive Officer at Commissioner ng HLURB, nagkaroon ng isang”scheme” kung saan ang mga private housing developer ay nagbayad ng kaukulang halaga kapalit ng pagsunod sa requirement na maglaan ng bahagi ng kanilang housing projects para sa socialized housing.

Nagtataka ang Senadora kung paanong nagastos ni Lao ang P1.8-B nang walang pormal at dokumentadong kaalaman ng ahensya. “Paano nagastos ni Lao ang P1.8B nang hindi alam ng HLURB (na ngayon ay parte na ng Department of Housing)? Siya lang at hindi ang HLURB ang nagdedesisyon kung anu-anong mga lugar at sinong mga kontratista ang mapapaboran ng halagang ito.”

“Naging pork barrel ba ang pera? Hindi natin alam kung pabahay ba ang naitayo. Hindi kayang i-assemble ng DHSUD ang detalyeng matagal ko nang hinihingi. Sunud-sunod ang mga kinasasangkutan ni Lao, hindi lang barya-barya, kundi bilyon. Hindi na dapat ito palampasin pa,” ayon pa sa kanya.

Ayon kay Hontiveros, maaaring labag din ito sa batas dahil ang mga pondong nalikom at inilagay sa mga escrow account sa mga bangko ay one-fourth lang ng nakasaad sa batas. Kung sinunod ang batas, ang pribadong sektor ay makapagtatayo ng P20-B halaga ng mga socialized housing units na malaking karagdagan sa napakaliit na badyet na ibinigay ng Budget Department sa mga ahensya ng pabahay.

246

Related posts

Leave a Comment