SA gitna ng mga reklamo at imbestigasyon hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nasangkot ngayon sa kontrobersiya si Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano.
Kamakailan, naging lantad ang gobernador sa pagbubunyag ng umano’y substandard na flood control projects sa kanyang lalawigan. Giit niya, may ilang istrukturang mahina ang pagkakagawa dahil kulang sa materyales at maayos na plano, at hinikayat pa nito ang Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa mga iregularidad.
Ngunit sa kabila ng kanyang matitinding pahayag, lumutang ang mga dokumentong nag-uugnay sa kanya mismo sa pagpapanukala ng pondo para sa mga nasabing proyekto. Sa isang liham na may petsang Enero 27, 2025, na ipinadala kay dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo sa pamamagitan ni Engr. Gerald A. Pacanan, Regional Director ng DPWH MIMAROPA, si Gadiano mismo ang humiling ng pondo para sa mahigit 70 flood control at road projects sa Occidental Mindoro.
Bahagi ng liham ang sumusunod:
“In line with our mandate to deliver basic social services and facilities to our people, the Provincial Government of Occidental Mindoro includes among our priority projects and programs the construction of various roads, flood control and mitigation structures, and different community-based projects to address the need for access roads and provide safety and security to our constituents, especially those living in flood-prone areas. In view thereof, the undersigned respectfully requests from your good office funding assistance for the following priority projects.”
Kabilang sa listahan ang mismong mga proyekto na kinalaunan ay kinondena ng gobernador, tulad ng mga flood control structures sa bayan ng Sablayan at Rizal na kanya pang iniinspeksyon at tinuligsa dahil umano sa depektibong disenyo at pagkakagawa.
Bagama’t itinanggi ni Gadiano ang pagkakasangkot at iginiit na hindi nakipag-ugnayan ang DPWH sa lokal na pamahalaan, malinaw na taliwas dito ang mga opisyal na dokumentong nakuha ng media.
Sa kasalukuyan, humaharap sa batikos ang DPWH, mga kontratista, at ilang politiko dahil sa mga depektibong flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa. Lalong naging maugong ang isyu matapos ang sunod-sunod na bagyo at walang tigil na pag-ulan na nagdulot ng malawakang pagbaha.
(JOEL O. AMONGO)
134 