Para mapalakas reserba at suporta sa P20 rice PAGGILING NG PALAY SA BICOL ISINULONG NG NFA

MARIING inihayag ng National Food Authority (NFA) na nakumpleto na nito ang emergency procurement ng serbisyo sa kiskisan sa Bicol region bilang bahagi ng mas malawak na hakbang ng gobyerno para mapalaki ang reserba ng bigas, mapaluwag ang mga bodega, at masuportahan ang inisyatiba ng gobyerno na murang bigas sa gitna ng tumataas na pressure sa inflation.

Sinabi ng NFA, naunang nakumpleto nito ang pagbili ng milling services sa Region 12 sa Mindanao, at mas maraming kontrata sa paggiling ang inaasahang malapit nang makumpleto sa ibang rehiyon upang palakasin ang reserba ng bigas at mapataas ang seguridad sa pagkain.

Ayon sa NFA ay mayroong anim na millers na kinontrata ang NFA sa Albay at Sorsogon para magproseso ng 114,743 na 50 kilo bags ng palay, katumbas ng tinatayang 74,580 bags ng bigas. Ang kontrata ay nagkakahalaga ng P19.1 million.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., na siya ring chairman ng NFA Council, layon ng hakbang na madagdagan ang kapasidad ng NFA na bumili ng mas maraming palay mula sa lokal na mga magsasaka habang pinalalakas ang posisyon ng bansa sa seguridad sa pagkain.

Sinabi naman ni NFA Administrator Larry Lacson, ang paggiling sa mga imbak na palay ay magpapahusay sa pangangasiwa sa imbentaryo habang pinalalakas ang kakayahan ng ahensiya na makatugon sa mga emergency.

(PAOLO SANTOS)

73

Related posts

Leave a Comment