PAMANA HEALTH CENTER SA STA. MESA, MULING BINUHAY NI MAYOR ISKO MORENO

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA isang lungsod na siksikan at mabilis ang galaw ng buhay, mahalagang may maayos at madaling mapuntahang serbisyong pangkalusugan ang mamamayan.

Hindi lahat ay may kakayahang agad magpagamot sa pribadong ospital kaya malaking bagay ang pagkakaroon ng maayos na health center sa komunidad.

Kaya naman magandang balita para sa mga taga-Distrito 6 ang muling pagbuhay sa Pamana Health Center sa Sta. Mesa. Matagal ding hinintay ng mga residente ang pagbubukas at pagsasaayos ng naturang pasilidad matapos itong maisara sa loob ng ilang taon.

Sa isinagawang groundbreaking ceremony, ipinakita ng pamahalaang lungsod na seryoso itong pagandahin ang serbisyong medikal para sa mga Manileño. Pinangunahan ito ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso kasama ang iba pang mga opisyal ng lungsod.

Hindi lamang simpleng renovation ang plano para sa Pamana Health Center. Layunin nitong gawing moderno at mas kumpleto ang pasilidad upang mas marami itong serbisyong maibigay sa publiko.

Kapag natapos ang proyekto, magkakaroon ito ng reception lobby, pharmacy, consultation rooms, at TB-DOTS room. Magkakaroon din ng mga pasilidad para sa senior citizens, buntis, at iba pang pasyente na nangangailangan ng espesyal na atensyon.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng minor surgical room, dental clinic, at X-ray room. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga residente para lamang sa basic medical procedures at laboratory services.

Isa rin sa magandang bahagi ng proyekto ang pagkakaroon ng animal bite treatment room. Sa panahon ngayon na laganap ang rabies cases at iba pang health concerns, malaking tulong ang pagkakaroon ng agarang lunas sa mismong komunidad.

Hindi rin nakaligtaan ang wellness at kalusugan ng mamamayan dahil magkakaroon din ng gym wellness center at iba pang pasilidad na makatutulong sa healthy lifestyle ng mga residente.

Kapansin-pansin na mas pinalalapit ngayon ng lokal na pamahalaan ang serbisyong medikal sa tao. Ito ang uri ng programang direktang nararamdaman ng ordinaryong mamamayan, lalo na ng mga mahihirap na pamilya.

Sa totoo lang, mas nagiging epektibo ang isang lungsod kapag malusog ang mamamayan nito. Kapag maayos ang serbisyong pangkalusugan, mas nagiging produktibo rin ang komunidad.

Hindi maikakaila na malaking ginhawa ito para sa mga taga-Sta. Mesa at karatig lugar. Ang dating health center na matagal na napabayaan ay muling magiging sentro ng pag-asa at serbisyong medikal para sa publiko.

Isa itong paalala na ang serbisyong pangkalusugan ay dapat laging abot-kamay, maayos, at makatao para sa bawat Manileño.

76

Related posts

Leave a Comment