SA gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria ngayong ‘ber’ months, nagtayo ng bagong outpost ang pulisya sa gitna ng island sa Claro M. Recto Avenue at Juan Luna Street, Tondo, Manila.
Layunin nitong masiguro ang kaligtasan ng mga mamimili at maging ng mga vendor sa Divisoria na dinarayo dahil sa mga murang bilihin dito.
Itinayo ang outpost sa inisyatibo ni Police Lieutenant Colonel Harry Ruiz Lorenzo lll na ang magsisilbing hepe ng Delpan Mobile Post ay si Police Senior Master Sergeant Gerardo Tubera.
Alas-8 ng umaga nitong Huwebes, pinasinayaan ang outpost sa pangunguna ni MPD- Director Brigadier General Andre Perez Dizon kasama sina Police Colonel Raul Tacaca, Deputy District Director for Administration; Police Colonel Arnold Thomas Ibay, Chief District Directorial Staff at Police Major Anthony Olgado, hepe ng Manila District Traffic Enforcement Unit.
Si Fr. Leo Casas ng Sto. Niño Church ang nagbasbas sa outpost na sinaksihan din ng ilang miyembro ng Manila Chinese Action Team (MCAT) sa pangunguna ni Edwin Fan at ni Retired Lieutenant Jimmy Soriano at asawa nito.
Alinsunod din ito sa programa ni Police Brigadier General Donnel Estomo, NCRPO chief na SAFE o “Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions”. (RENE CRISOSTOMO)
240