THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
NGAYONG Fire Prevention Month, aktibong-aktibo ang Bureau of Fire Protection (BFP) at mga ka-partner ng ahensya, sa pagpapaalala sa publiko ng panganib na dala ng sunog at pagpapalaganap ng kaalaman para maiwasan ito.
Sa kampanya ng BFP na tinatawag na “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa,” isinusulong ang mas pinaigting na mga programa at polisiya upang maprotektahan ang buhay, ari-arian, at kabuhayan ng bawat Pilipino.
Sa ating bansa, ang buwan ng Marso ang itinuturing na “fire-prone” season dahil sa pagsisimula ng mainit na panahon, na nagpapataas ng posibilidad ng sunog. Ayon sa datos ng BFP, libo-libong insidente ng sunog ang naitatala bawat taon, karamihan ay dulot ng electrical faults, open flames, at gas leaks. Malaking bahagi rin ng mga sunog ay nagmumula sa informal settlements kung saan madalas ay walang sapat na fire safety measures.
Bagama’t madaling ipagpasawalang-bahala ang mga ganitong kampanya, lalo na kung hindi pa nakararanas ng sunog, importante pa ring maipaabot sa publiko ang tamang kaalaman sa pag-iwas dito. Hindi sapat ang mabilis na pagresponde sa insidente—ang mas mainam ay tiyakin na hindi na ito mangyayari pa.
Maraming mga fire safety seminar at drill na isinasagawa sa mga komunidad at mga kumpanya, na simple lang pero talagang makatutulong sa atin kung sakali.
Kailangan ng patuloy at mas masusing inspeksyon at monitoring ng mga gusali at establisyimento para matiyak na sumusunod ang mga ito sa Fire Code of the Philippines. Mahigpit na binabantayan ang pagkakaroon ng mga fire exit, fire alarm, sprinkler system, at iba pang mahahalagang kagamitan sa pag-iwas sa sunog.
At siyempre, habang lumalago ng ating mga siyudad at komunidad, hindi sapat na umasa lamang tayo sa BFP. Dapat maging aktibong kalahok ang bawat isa sa pagpapatibay ng fire safety sa ating mga tahanan, paaralan, opisina, at pampublikong lugar.
Para sa matagumpay na fire prevention, importante ang disiplina at malasakit sa kapwa. Kung lahat tayo ay magiging mas maingat sa paggamit ng kuryente, apoy, at iba pang posibleng sanhi ng sunog, maiiwasan natin ang malalaking trahedya. Ang pagsunod sa mga regulasyon ng BFP at pagiging bahagi ng kanilang mga programa, ay malaking tulong upang mapanatili ang kaligtasan sa ating paligid.
Kasama ng BFP ang Meralco bilang distribyutor ng kuryente sa Metro Manila at mga karatig na lugar, sa mga programa nito. Bilang bahagi ng pagsusulong ng pampublikong kaligtasan, lalo pang pinagtibay ng Meralco ang pakikipagtulungan nito sa ahensya para sa ligtas na paggamit ng kuryente, na maaari ring magdulot ng sunog kung hindi magiging maingat.
Patuloy ang paalala ng Meralco sa publiko na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente lalo na’t papalapit na ang tag-init. Karaniwang pinagmumulan ng sunog sa mga bahay ang mga sirang electrical wiring, pag-overload ng mga saksakan, pati na rin ang maling paggamit ng mga appliance.
Ayon sa Meralco, hindi dapat i-overload ang mga saksakan dahil maaaring magdulot ng sunog ang octopus connection. Mahalagang siguruhin din na nasa maayos na kondisyon at walang sira ang mga kable ng kuryente.
Bukod sa makatutulong sa pagkontrol sa konsumo, mas masisiguro rin ang kaligtasan kung tatanggalin sa pagkakasaksak ang mga appliance na hindi ginagamit. Dapat ring walang malapit na tubig sa mga appliance para maiwasan ang short circuit o pagkasira ng mga ito. Gayundin, dapat ding malayo ang mga bagay na madaling magliyab sa init.
Mahalaga ang mga paalalang ito ng Meralco para masiguro ang kaligtasan at makaiwas sa sunog. Pero bukod diyan, kailangan pang palakasin ang suporta sa ating mga bumbero. Importanteng mayroong sapat na pondo, modernong kagamitan, at mas maayos na kondisyon ng kanilang serbisyo para mas maging epektibo ang fire prevention at suppression efforts.
Ang pagiging mapanuri, maagap, at responsableng mamamayan ay pundasyon ng isang ligtas na bansa. Sama-sama nating gawing prayoridad ang fire safety para masigurong walang buhay na makikitil at kabuhayan na masasayang dahil sa kapabayaan.
