LUCENA CITY – Sugatan ang isang 31-anyos na ginang na isang school registrar, matapos manlaban sa isang lalaking nagtangkang gumahasa sa kanya sa kanyang bahay sa San Isidro Subdivision, Barangay Gulang-Gulang, sa lungsod noong Linggo ng tanghali.
Ayon sa imbestigasyon ng Lucena City Police, natutulog ang biktima sa kanilang bahay dakong alas-12:00 ng tanghali nang magising ito at makita ang suspek na nakaupo sa tabi niya habang wala nang pang-ibabang kasuotan.
Nang tangkain ng suspek na gahasain ang biktima agad tumayo ang babae dahilan upang magpambuno sila.
Bumunot ng kutsilyo ang suspek at tinangkang saksakin ang biktima ngunit nanlaban ito, nagresulta sa pagkasugat ng kanang palad nito.
Sinakal pa umano ng suspek ang biktima gamit ang kumot.
Sa gitna ng insidente, nagkunwaring buntis ang biktima at inalok ang suspek ng pera kapalit ng hindi pagtuloy sa panggagahasa.
Agad naman itong kinuha ng suspek bago tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Sa imbestigasyon ng mga pulis at sa pamamagitan ng kuha ng CCTV, nakilala ang suspek na si alyas “Yabat,” isang 26-anyos na construction worker mula sa Purok Villa Sante, Barangay Ibabang Dupay, Lucena City.
Ang biktima ay kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Lucena United Doctors Hospital.
Nagsasagawa naman ng manhunt operation ang mga awtoridad para sa ikadarakip sa suspek at inihahanda ang kasong kriminal na isasampa laban dito. (NILOU DEL CARMEN)
