PAALALA ang Semana Santa sa mga public servant para magsilbi sa publiko nang may katapatan, integridad, at compassion.
Binanggit ito ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa paggunita ng Palm Sunday kahapon.
Kasabay nito ay hinikayat ni Romualdez ang publiko na samantalahin ang Holy Week break para alalahanin ang buhay ni Hesukristo kabilang ang paghihirap nito at muling pagkabuhay.
Ayon kay Romualdez, ang pinagdaanan ni Hesus ay paalala na ang katatagan ay natatamasa sa pamamagitan ng pagsasakripisyo, ang paghilom ay kasunod ng pagpapatawad at kung mayroong pananalig ay mayroong pag-asa.
Umaasa ang House Speaker na ngayong Semana Santa ay magkaroon ng kapayapaan ang mga may pag-aalala, kalakasan ang may agam-agam at kaginhawaan ang mga nangangailangan.
Hangad ni Romualdez na bawat Pilipino ay magkaroon ng makabuluhan, payapa, at puno ng biyaya na paggunita ng Semana Santa.
