RAPIDO ni PATRICK TULFO
SA apat na Articles of Impeachment na kinahaharap ngayon ni Vice President Sara Duterte sa gumugulong na impeachment trial laban sa kanya, tila pinakamabigat ang Article 2 o ang mga alegasyon ng unexplained wealth, undeclared bank accounts at false o unrevealed entries sa Statement of Assets, Net Worth and Liabilities o SALN nito.
Kung pagbabasehan ang mga narinig na testimonya mula sa AMLAC (Anti-Money Laundering Council) at mga opisyales ng mga banko, kung saan mayroon existing at closed accounts ang mag-asawang Sara Duterte at Atty. Mans Carpio, nalaman natin na hindi nagtutugma ang perang pumasok at lumabas sa bank accounts ng mga ito, sa mga SALN na isinumite ng pangalawang pangulo mula nang mahalal ito sa pwesto.
Sa pinakahuling testimonya mula sa opisyal ng isang banko, kung saan may joint account si VP Sara at ang ama nitong si dating Pangulong Rodrigo Duterte, nabuko ang isang serbisyo ng banko na pwedeng magamit sa pagtatago ng pera, ang conversion ng pera sa manager’s check dahil hindi ito isinasama sa year-end balance ng bank account.
Hindi nakadeklara sa SALN ang perang laman ng joint account na nabanggit kung saan umabot sa P96-million ang perang inilagay sa manager’s check.
Ang joint account ay binuksan noong January 2010, noong nakaupo bilang vice mayor ng Davao City, ang bise presidente.
Lumabas din sa pagdinig ang isa sa mga negosyo na idineklara ng bise presidente sa kanyang SALN, ang CALE88 Food Corporation na pag-aari ng kabiyak nito na si Atty. Mans Carpio.
Ayon sa rebelasyon, nasa P125,000 lang ang paid-up capital ng naturang negosyo pero ang pumasok at lumabas na pera dito ay umabot daw sa P1.25 billion, kung saan P776 million ang cash inflows kasama P316 million mula China at Hong Kong.
Samantala, sinabi naman ng depensa na sasagutin nila ang mga alegasyong ito sa pagpapatuloy ng impeachment trial.
(Kung kayo ay may sumbong na gustong iparating sa amin ay pwede kayong mag-message o tumawag sa amin sa numerong 09694801427 o magpadala ng mensahe sa aming FB page na Rapido ni Patrick Tulfo Official)
53 