SENADO NAGHAHANDA NA SA IMPEACHMENT TRIAL

SA kabila ng paninindigan na sa pagbabalik-sesyon pa masisimulan ang proseso sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, ipinag-utos na ni Senate President Chiz Escudero sa mga tanggapan sa Senado na maghanda na sa paglilitis.

Naglabas ng special order si Escudero para sa pag-organisa ng administrative support para sa Senado.

Sa ilalim ng special order 2025-015, itinalaga si Senate Secretary Renato Bantug bilang clerk of court o bilang clerk ng impeachment court alinsunod sa Rules of Procedure sa impeachment trial.

Ang Clerk of court ang tutulong sa presiding officer sa administration o pangangasiwa ng impeachment court at mangangasiwa sa non judicial functions tulad ng recording at reporting ng impeachment proceedings.

Tungkulin din nitong maghanda at magsilbi ng mga notice at summons, impeachment court calendar, gayundin sa pangunguna sa panunumpa at pagtiyak ng proper reception, filing, distribution at pagproseso ng lahat ng pleadings at submission sa impeachment court.

Inatasan naman ang Senate Legal Counsel at deputy secretary for legislation na maging deputy clerk of court. Magiging responsable naman sa pagsisilbi ng mga summon, subpoena at iba pang kautusan ng presiding officer at ng impeachment court si Senate Sergeant at Arms Roberto Ancan.

Samantala, pinayuhan na ang mga tanggapan sa Senado na abisuhan ang Administrative and Financial Services kung may kailangan sila na budgetary requirements, supplies o equipment at iba pang items para sa isasagawang paglilitis kay VP Sara.

VP Sara ‘May Taning’ Na

Hanggang Hunyo na lamang manunungkulan sa Office of the Vice President si VP Sara kung sisimulan ang impeachment trial sa Marso?

Kahapon ay tila nabuhayan ng loob ang dalawa sa 11 House prosecutors na sina Reps. Jil Bongalon at Joel Chua dahil sa inilabas ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nagtatalaga sa iba’t ibang tanggapan sa Senado bilang mga support staff sa impeachment trial.

“It is a positive development,” ani Bongalon sa online press conference kahapon dahil nangangahulugan na kumikilos na ang Senado para simulan ang impeachment trial sa lalong madaling panahon dahil ito ang itinakda ng Saligang Batas.

“The development marks and already sets in motion the impeachment process,” ayon naman kay Chua.

Umaasa si Bongalon na kapag nagsimula na ang paglilitis kay Duterte sa Marso mangangailangan lamang umano ang House prosecutors ng dalawa hanggang tatlong buwan para patunayan ang pagkakasala ni Duterte.

“Even before the 19th Congress ends, I guess the remaining months are sufficient to finish the trial. So nabanggit nga natin that 2-3 months I guess kayang tapusin itong impeachment trial. So, before June 30 of 2025 will expire, I guess trial is already concluded,” ani Bongalon.

Malakas umano ang mga ebidensyang hawak ng mga ito laban kay Duterte at kahit isa sa 7 article of impeachment lamang malitis si Duterte at mapatunayang guilty ito ay maaari nang magbotohan ang mga senador.

Nangangahulugan na kung aabot sa 16 senador ang boboto na guilty si Duterte ay maaari na itong mapatalsik sa Office of the Vice President sa Hunyo 2025 o bago magtapos ang 19th Congress.

Bukod sa pagpapatalsik kay Duterte sa OVP ay hinihiling din ng House prosecutor na patawan ito ng perpetual disqualification in public office.

Litanya ni Chiz
‘Di Kinagat

Samantala, tila hindi kinagat ni Bongalon ang hamon ni Escudero sa mga kongresista na hindi nila tatanggapin ang VP position kung ma-convict si Duterte.
“But if the trust of the President is to choose someone who even signed the impeachment complaint, then I guess it’s up to the person who was, well, kung sinong mapipili, for him or her to accept the nomination by the President,” ani Bongalon.
Base sa Saligang Batas, mamimili ang Pangulo sa mga miyembro ng Kamara at Senado na ipapalit sa Bise Presidente kapag nag-resign o kaya napatalsik ito sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment. (DANG SAMSON-GARCIA/PRIMITIVO MAKILING)

37

Related posts

Leave a Comment