(PRIMITIVO MAKILING)
LALONG lumilinaw na ang Maharlika Investment Fund (MIF) ay magsisilbing “piggy bank” ng malalaking negosyante at cronies ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahil sa pinapasok na investment ng mga ito.
Ginawa ni dating Congressman Carlos Zarate ang pahayag kasunod ng pag-iinvest ng Maharlika Investment Council (MIC) sa Makilala Mining Company sa kanilang operasyon sa Cordillera region partikular na sa lalawigan ng Kalinga.
“The Marcos Jr. administration has once again proven that the Maharlika Fund is nothing but a massive piggy bank for questionable investments that benefit big business and cronies of the administration at the expense of the Filipino people,” ani Zarate.
Bago nabunyag ang $76.4 million bridge loan ng MIC sa Makilala Mining Company, nag-invest din ang mga ito sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na kontrolado ng State Grid Corporation of China.
Hindi matanggap ng dating mambabatas ang katwiran ng gobyerno na kikita ng 12.5% na interes ang kanilang ipinautang sa Makilala Mining Company na nasa likod ng Malinao-Caigutan-Biyog (MCB) Copper-Gold project sa Paskil, Kalinga.
“This administration is gambling with people’s money. Hindi sapat ang mataas na interest rate para i-justify ang pamumuhunan sa isang industriyang kilala sa pagsira ng watershed areas, pagpapahina ng ecological systems, at pagpapalayas sa mga katutubo mula sa kanilang lupaing ninuno,” ayon pa sa dating mambabatas.
Nabatid na sasakupin ng proyekto ang may 2,500 ektarya na ancestral land ng tribong Balatoc sa Cordillera Region kaya inaasahan na bukod sa mawawasak ang kapaligiran ay mawawalan ng tirahan ang mga nasabing katutubo.
“Ang sinasabing ‘sustainable’ at ‘responsible mining’ ay pawang kasinungalingan lamang. Sa katunayan, walang mining operation sa Pilipinas na hindi nagdulot ng malawakang pinsala sa kalikasan at sa mga komunidad,” ayon pa kay Zarate.
Dahil dito, hinamon nito ang dalawang kapulungan ng Kongreso na busisiin ang mga pinapasok na na negosyo ng MIC dahil karapatan ng taumbayan na malaman kung papaano ginagamit ng MIC ang kanilang pera.
