KAHANDAAN SA LINDOL AT TSUNAMI PALALAKASIN SA 4TH QUARTER NG NSED

SUSUBUKIN ngayong Nobyembre 5, 2026 ang kahandaan ng mga komunidad sa lindol at tsunami sa pamamagitan ng Fourth Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) na pangungunahan ng Office of Civil Defense (OCD), katuwang ang iba pang miyembro ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga lokal na pamahalaan.

Isasagawa ngayong umaga ang full-scale exercise sa Santa Ana, Cagayan, bilang pangunahing pilot area ngayong quarter, kasabay ng mga earthquake drill at exercise sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Magsisimula ang programa sa alas-8:00 ng umaga, na susundan ng ceremonial pressing of the button sa ganap na alas-9:00 ng umaga bilang hudyat ng pagsasagawa ng Duck, Cover, and Hold at evacuation drill.

Layunin ng pagsasanay na masuri at pagtibayin ang mga mekanismo at plano ng bayan ng Cagayan kabilang ang Contingency Plan for Earthquake and Tsunami at pagpapatupad ng Regional Disaster Response Plan (RDRP).

Gagamitin sa pagsasanay ang senaryo ng magnitude 8.5 na lindol na may epicenter na 180 kilometro sa timog-silangan ng Santa Ana, Cagayan, na dulot ng paggalaw ng East Luzon Trough.

Sa pamamagitan nito, susubukin ang kakayahan ng mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga sumusunod na hakbang:

-Early Warning System (EWS) activation

-Community Evacuation

-Emergency Telecommunication

-Incident Management Teams (IMTs) activation

-Alternate Emergency Operations Centers (EOC) activation

-Logistics Coordination and Management

-Mass Casualty Incident (MCI) Management

-Search, Rescue, & Retrieval (SRR)

-Camp Coordination & Camp Management (CCCM) & Internally Displaced Persons (IDP) Protection

-Water Search and Rescue (WaSAR)

-Management of the Dead and Missing (MDM)

-Law & Order

-Chemical, Biological, Radiological, and Nuclear (CBRN) hazards at oil spill.

Samantala, kasabay ng Fourth Quarter NSED, gugunitain din ang World Tsunami Awareness Day (WTAD) 2026 na may temang “Resilience Starts with You,” kung saan binibigyang-diin ang kahalagahan ng sapat na kaalaman sa epekto ng tsunami at pagsasabuhay sa mga hakbang pangkaligtasan.

Bilang bahagi ng paggunita, magsasagawa rin ng forum na “Over Coffee Dialogues: Earthquake and Tsunami Preparedness,” kasunod ng Fourth Quarter NSED pressing of the button, kung saan tatalakayin kasama ang mga eksperto ng pamahalaan at international DRRM practitioner, ang mga panganib na dulot ng lindol at tsunami, gayundin ang mga hakbang na maaaring gawin upang maprotektahan ang mga komunidad.

Hinihikayat ng OCD ang publiko na makilahok sa talakayan, makiisa sa community drills, at alamin ang mga ligtas na lugar at evacuation route sa kanilang komunidad, gayundin ang mga hakbang na dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng lindol at tsunami.

(JESSE RUIZ)

27

Related posts

Leave a Comment