OSG PINABABASURA SA KORTE SUPREMA PETISYON LABAN SA PAGBABABA NG VOTING THRESHOLD NG IMPEACHMENT COURT

PINABABASURA ng Office of the Solicitor General (OSG) sa Korte Suprema ang petisyon nina Senator Robin Padilla at Senator Bong Go na kumukuwestiyon sa desisyon ng Senate Impeachment Court na ibaba ang voting threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte.

Sa komentong isinumite sa Korte Suprema, iginiit ng OSG na walang naganap na grave abuse of discretion sa botohan noong Setyembre dahil isinagawa ito alinsunod sa mga patakaran at kapangyarihang ipinagkaloob sa Senate Impeachment Court.

Ayon sa OSG, nasa kapangyarihan ng Senado ang pagpapasya kung paano bibigyang-kahulugan at ipatutupad ang mga probisyon ng Konstitusyon sa impeachment proceedings.

Binigyang-diin din nito na may kanya-kanyang tungkulin ang mga sangay ng pamahalaan sa pagpapatupad ng Konstitusyon, kaya dapat bigyan ang bawat isa ng sapat na kalayaan upang gampanan ang kani-kanilang mandato.

Dahil dito, hiniling ng OSG na ibasura ang petisyon dahil premature at walang sapat na merito.

Hiniling din nitong tanggihan ang kahilingan ng mga petitioner para sa status quo ante order, temporary restraining order at writ of preliminary injunction.

(JULIET PACOT)

212

Related posts

Leave a Comment