GIBO KINUWESTYON PANAWAGAN NG BIZ GROUP SA GUSOT SA WPS: HUWAG PILIPINAS ANG SAWAYIN

KINUWESTYON ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang panawagan ng ilang grupo ng mga negosyante at non-government organization na bawasan ang maaanghang na palitan ng pahayag sa pagitan ng Pilipinas at China kaugnay ng West Philippine Sea.

Ayon kay Teodoro, hindi dapat ang Pilipinas ang sabihang maghinay-hinay dahil naninindigan lamang ang pamahalaan sa katotohanan at transparency sa pagtatanggol sa interes ng bansa.

“Who should they be telling that to? We are only standing by the truth and transparency,” ani Teodoro sa isang panayam.

Binanggit din ni Teodoro ang iba pang isyung may kinalaman sa Chinese interests sa bansa, kabilang ang dating paglaganap ng Philippine offshore gaming operators (POGOs), pagpasok umano ng substandard steel products at operasyon ng mga scam hub.

Kinuwestiyon din niya kung bakit hindi umano nagsalita noon ang mga naturang grupo hinggil sa mga isyung ito.

Sinabi rin ng kalihim na dapat iparating ng business groups sa Beijing ang kanilang panawagan para sa pagpipigil sa sarili, lalo na kaugnay ng mga aksyon ng China na nakaaapekto sa interes ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Nauna rito, mahigit 20 grupo mula sa sektor ng negosyo, paggawa, edukasyon, agrikultura at iba pa ang nanawagan sa pamahalaan na pairalin ang diplomasya at iwasan ang mga pampublikong palitan ng pahayag na maaaring magpalala sa tensyon sa China.

Binalaan ng mga grupo na maaaring maapektuhan ng patuloy na paglala ng tensyon ang kalakalan, pamumuhunan, pagmamanupaktura, agrikultura, imprastraktura at iba pang sektor.

Kabilang sa mga lumagda sa joint statement ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Employers Confederation of the Philippines, Semiconductor and Electronic Industries in the Philippines Inc. at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc.

Giit naman ni Teodoro, hindi dapat manaig ang economic considerations sa pagtatanggol sa maritime interests ng bansa.

Hinimok din niya ang pagpapalakas ng supply chain resilience, diversification ng mga pinagkukunan ng suplay at pagpapaunlad ng lokal na industriya upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga panlabas na pinagkukunan.

Nauna nang sinabi ni Teodoro sa mga pulong ng ASEAN defense ministers na mahalaga ang mapayapa at legal na pagresolba sa mga alitan sa South China Sea at ang pagsunod sa international law.

Samantala, naglatag ang mga organisasyon ng anim na pangunahing panawagan sa pamahalaan ng Pilipinas at sa mga kinauukulang panig upang mapabuti ang ugnayang diplomatiko sa China.

Una, hinimok nila ang lahat ng panig na pairalin ang pagpipigil sa sarili at maingat na pananalita, at iwasan ang mga personal na palitan ng pahayag at pampublikong komento na nagpapataas ng tensyon ngunit walang naidudulot na pakinabang sa pambansang interes.

Ikalawa, nanawagan sila ng mas sentralisado, magkakaugnay at pare-parehong patakarang panlabas, kung saan ang mga itinalagang awtoridad ang magpapahayag ng opisyal na paninindigan ng bansa sa pamamagitan ng koordinadong mga institusyon at kinikilalang diplomatikong pamamaraan.

Ikatlo, iginiit nilang dapat ipagtanggol ng Pilipinas ang soberanya at mga karapatan nito sa ilalim ng international law habang pinananatili ang diyalogo at praktikal na kooperasyon sa kalakalan, pamumuhunan, turismo, seguridad sa enerhiya, electric mobility at paggamit ng solar energy.

Ikaapat, hinimok nila ang dalawang pamahalaan na bigyang-prayoridad ang kalakalan, pamumuhunan at paglikha ng disenteng trabaho. Kabilang sa mga mungkahi ang pagpapalawak ng access sa mga pamilihan, pagpapalakas ng supply chains, paglilipat ng teknolohiya, pagpapalawak ng lokal na produksyon at pamumuhunan sa malinis na enerhiya.

Binigyang-diin nilang dapat makinabang dito ang mga negosyanteng Pilipino, magsasaka, mangingisda, manufacturer, exporter, manggagawa, mamimili at mga komunidad.

Ikalima, nanawagan sila ng estratehikong pagpapalawak ng mga katuwang sa kalakalan habang pinananatili ang maayos na ugnayan sa China. Kabilang dito ang pagpapalakas ng lokal na kakayahan sa produksyon at pagmamanupaktura, gayundin ang paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng mahahalagang suplay.

Ikaanim, hinimok nila ang mga awtoridad na itaguyod ang paggalang sa isa’t isa at responsableng komunikasyon. Anila, dapat lutasin ang mga hindi pagkakasundo sa pamamagitan ng mahinahong diplomasya, tuloy-tuloy na diyalogo at angkop na opisyal na mekanismo sa halip na mga pampublikong palitan ng pahayag na lalo lamang nagpapatigas sa paninindigan ng bawat panig.

(JESSE RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment