WALO lamang sa kabuuang 1,669 farm-to-market road (FMR) projects na nakapaloob sa panukalang 2027 national budget ang nagkaroon ng pagkakamali sa pag-encode ng geographic coordinates, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, binigyang-diin ni Camarines Sur 4th District Rep. Arnie Fuentebella na mas mababa sa isang porsyento ng kabuuang proyekto ang apektado kaya hindi dapat palabasing may anomalya o mali ang buong FMR program.
“Eight lang out of more than 1,600, parang blown out of proportion na. Parang the whole budget or coordinates ng farm-to-market road ay mali,” pahayag ni Fuentebella.
Nagsimula ang talakayan nang hingan ni Quezon Rep. Mark Enverga, chairman ng komite, ng paliwanag ang DA tungkol sa pinagmulan ng mga maling coordinates.
Inamin ni DA Assistant Secretary for Operations U-Nichols Manalo na nagkaroon ng pagkakamali sa encoding, kung saan isa hanggang dalawang numero lamang ang nai-type nang mali sa coordinate data.
Nilinaw rin ni Manalo na ang lahat ng 1,669 proyekto ay opisyal na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at hindi kabilang sa mga umano’y ipinasok lamang o inserted projects.
Unang inilabas ng mga civil society organization (CSO), kabilang ang People’s Budget Coalition, BetterGov.ph at BistoProyekto, ang mga discrepancy sa datos habang tinatalakay sa Senado ang panukalang pondo ng DA.
Dahil dito, nag-utos si Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ng masusing pagsusuri sa mga dokumento at proseso ng validation ng kagawaran upang maiwasan ang kaparehong pagkakamali.
Ayon kay Fuentebella, may sapat pang panahon ang Kongreso upang itama ang mga maling datos bago tuluyang maaprubahan ang pambansang badyet.
Hinimok din niya ang DA na palakasin ang geotagging at validation, lalo na sa mga malalayong barangay na mahina ang signal ng telekomunikasyon.
Nagbabala naman si Manalo na maaaring hindi maipatupad ang walong proyekto kung hindi maitatama ang kanilang coordinates bago tuluyang maipasa ang pondo.
Pinasalamatan ni Enverga ang DA sa pag-amin sa pagkakamali at pakikipagtulungan sa mga CSO upang maisulong ang mga kinakailangang reporma sa proseso ng pag-apruba ng mga proyekto.
(TINA MENDOZA)
15 