SHORTAGE NG TUBIG, TAYO LAHAT ANG MAY SALA

USAPANG KABUHAYAN

TAYONG mga taumbayan ang may sala kung bakit milyun-milyong residente ng Metro Manila ang dumadaan ngayon sa hirap dahil sa kulang na supply ng tubig. Pinayagan kasi natin ang Manila Water, ang Maynilad, ang MWSS, ang Malacañang, ang Kongreso at ang mga makakaliwang grupo na pigilan ang mga bagong dam na dapat ay noon pa naitayo para masi­gurong may sapat na supply ng tubig sa Metro Manila.

Hinayaan natin na taasan nang taasan ang singil sa tubig sa atin ng Manila Water at Maynilad para sa bawat litro ng tubig na kanilang isinu-supply sa atin ng walang matibay na kapalit gaya ng kasiguruhan na mayroon tayong sapat na tubig nga­yon.

Nakikita natin na pipigilan din ang susunod na mga proyekto para sa Kaliwa Dam at sa pagbabalik ng naun­syaming Laiban Dam dahil sa reklamo ng korapsyon na walang ebidensya kundi laway lang ng mga politikong wala sa gobyerno at mga espekulasyon na sobrang mahal ang babayaran natin pagdating ng panahon.

Mas gusto natin kasi na makinig at maniwala sa mga kwento ng kawalanghiyaan ng mga Intsik at ng mga nakaupong opisyal ng gobyerno lalo na para sa mga malala­king proyekto gaya ng Kaliwa Dam at Laiban Dam. Pero ‘pag dumating ang panahon gaya ngayon, panay reklamo at may lalabas pang kuwento na imbento lang ito para pumasok ang mga Intsik.

Dalawampung taon na ang nakakaraan, sinabi na ng mga eksperto na lalagpas ng 100 milyon ang populasyon ng Pilipinas at ang mananatiling sentro ng masinsin na populasyon ang Metro Manila dahil dito pa rin ang sentro ng negosyo at edukasyon sa buong bansa. Ang mga problemang gaya ng masikip na trapiko, supply ng tubig at kuryente, mas mataas na panganib na mas mabilis kumalat ang mga sakit at iba pang sakit ng urbanismo ay mas lalala kaya dapat ay paghandaan na, ayon sa mga eksperto noon.

Pero hindi tayo nakinig at naging mahina ang pamahalaan para ipilit na ituloy ang mga proyekto para sa tubig. May ulan naman daw kasi na laging magdadala ng tubig sa bawat bahay kaya hindi tayo dapat matakot, sabi ng mga politikong kalaban ng mga nakaupo noon sa pamahalaan. ‘Yun pala ay magtatamasa lang ng bilyun-bilyong tubo kada taon ang mga oligarko na nagpapatakbo ng supply ng tubig gaya ng mga Ayala na may-ari ng Manila Water.

Ngayon, eto tayo at masikip ang trapiko sa EDSA, daan-libo ang nagmumura sa pagbubuhat ng mga drum at bote ng tubig para may tubig ang kanilang pamilya, at bilyun-bilyong piso ang halaga ng mga nalulugi natin araw-araw dahil sa mas ma­tagal na proseso ng trabaho, negosyo o buhay ng bawat mamamayan.   (Usapang Kabuhayan/ BOBBY CAPCO)

198

Related posts

Leave a Comment