DPA ni BERNARD TAGUINOD
NAPASAYA ni Carlos Yulo ang sambayanang Filipino sa dalawang gintong medalya na nasungkit nito sa Paris Olympics sa larangan ng gymnastic, at masarap sa pakiramdam na makitang tinutugtog ang pambansang awit ng Pilipinas sa Olympics.
Patunay lamang ito na uhaw pa rin sa gintong medalya ang bansa dahil mula nang sumali ang Pilipinas sa summer Olympics noong 1924, nakatatlong ginto pa lamang tayo at ang una ay ibinigay ng weightlifter na si Hidilyn Diaz sa Tokyo Olympics noong 2021.
Sa ibang bansa lalo na ang USA, Japan at iba pa, ay parang ordinaryo na lamang sa kanila ang gintong medalya na nakukuha ng kanilang mga atleta pero sa mga tulad nating third world country, ibang saya kapag ang ating manlalaro ay nagkakamedalya sa Olympics.
Pero sa ganitong mga pagkakataon, makikita mo rin kung gaano paepal ang mga politiko na sumasakay sa tagumpay at kasikatan ng mga atletang nagkakamedalya sa Olympics tulad ni Carlos Yulo.
OK lang sana na mag-congratulate pero yung naglalabas ng mga lumang larawan kasama si Yulo at mas malaki pa ang kanilang pangalan kaysa sport hero ay talagang nakasusuka at alam mong sumasakay lang sila.
May local officials, hindi lamang sa Metro Manila kung saan galing si Yulo, kundi sa mga probinsya, ang agad na bumabati pero mas malaki pa ang mukha nila sa binabati nila at mas malaki pa ang pangalan nila.
Kung umasta ang mga epal na ito, akala mo meron silang naitulong sa tagumpay ni Yulo, sabi nga ng maraming Pinoy, kumakapal ang mukha ng karamihan sa mga politiko habang tumatagal sila sa puwesto.
Ginawa na nila ‘yan noong panahon ni Hidilyn Diaz pero nang humupa na ang kasikatan nito, wala man lang nakaalala sa kanya at ang masaklap, parang walang pakialam ang epal politicians at hindi man lang inalam ang dahilan bakit hindi ito nakasama sa Paris Olympics.
Buti sana kung ang pagbati nila ay may kasamang insentibo man lang pero wala eh, bumabati lang kuno sila dahil alam nilang trending si Yulo at kailangan nilang sakyan at kapag nasita na sa social media, sasabihin nila, hindi ako ang gumawa n’yan, siguro supporters ko.
‘Yung mga Olympian natin na nabigong makakuha ng medalya, hindi man lang nila naalala at kinumusta sila pero kapag may nagka-medalya, ayan na sila, sumasakay sa tagumpay ng iba. Nakasusuka kayo ha.
Sa Amerika, Japan, China, South Korea at iba pang bansa na naghahakot ng medalya ang kanilang mga atleta, walang tayong nakikitang mga politiko na gumagawa sa ginagawa ng mga politiko sa Pilipinas.
Pero sana magtagumpay pa ang natitirang mga atleta natin sa Paris Olympics at tingnan natin kung eepal ulit ang mga politiko dahil habang lumalaban sila, hindi pa sila pinapansin.
