CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TAPOS na ang Eleksyon. Naiproklama na ang ilang nanalo.
Ang isang araw at ilang oras na botohan ay simula ng tatlong taon na magiging sitwasyon ng pulitika at kalagayan ng bansa at ng mamamayan.
Sa mga hindi pinalad – hindi pa sarado ang inyong aspirasyon.
Sa mga nagwagi – kailangan ang pagpapakumbaba at pagtupad sa mga ipinangako. Ang pasasalamat ay hindi lamang inihahayag sa salita kundi sa pagkilos at pagtatrabaho.
Ginusto n’yong tumakbo at pinalad manalo. Nakiusap kayo sa mga Pilipino kaya huwag naman sanang makisuyo ang mga tao na gampanan n’yo nang maayos at tapat ang tungkulin.
Ang sukling nais makita ng mga Pinoy ay ang itaguyod ng halal na opisyal ang kapakanan ng taumbayan.
Pinakinggan ang inyong pakiusap, tinanggap ang inyong mga pakisuyo kaya sana ay handa kayong tugunan ang panawagan ng mga tao.
Maraming isyung pwedeng tutukan tulad ng problema sa seguridad ng pagkain, trabaho, serbisyong pangkalusugan at iba pa.
Sana rin ay hindi makalimot ang taumbayan na pinangakuan. Singilin natin sila sa kanilang mga pangako. Ang hindi tutupad ay dapat ekisan sa susunod na halalan at huwag nang hayaang mambudol muli.
Sa mga kandidato – nakahinga na kayo nang maluwag, at ngayon ibsan n’yo naman ang problema ng inyong kababayan.
Ayan, nanalo’t natalo, may obligasyon pa ang mga tumakbo sa halalan – tanggalin ang campaign materials.
Ayon sa Comelec, ang mga kandidato at party-lists ay may hanggang Mayo 17 na baklasin ang kanilang campaign materials.
Ang pagtanggal ng mga materyales tungkol sa eleksyon limang araw matapos ang araw ng halalan ay alinsunod sa Section 30 ng Comelec Resolution No. 11086 o rules and regulations implementing Fair Elections Act for the May 2025 elections and Bangsamoro Parliamentary elections.
Paalala ng Comelec – Ang hindi pagtupad sa patakarang ito ay maaaring ituring na paglabag at magresulta sa kaukulang parusa mula sa komisyon o sa mga lokal na pamahalaan, lalo na kung makasasagabal ang mga materyales sa pampublikong lugar.
Hinihikayat din ang mga kandidato at partido na magsagawa ng mga aktibidad para sa carbon offsetting, tulad ng pagtatanim ng puno, ayon sa Section 4 ng Resolution No. 11111.
Huwag nang antayin ang huling araw ng baklasan.
Hindi na mahalagang nakabalandra ang inyong mukha at pangalan. Ang gustong makita at maramdaman ng taumbayan ay pagtupad ng inyong plataporma at adbokasiya.
