NANINIWALA si Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) party-list Rep. Nicanor ‘Nikki’ Briones na pasok sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ang ilegal na pagpasok ng 19 forty-foot container na frozen mackerel.
Ang kontrabando na may halagang 202 million ay misdeclared bilang frozen fried taro na naka-hold simula pa noong Enero 20, 2025.
“Dapat ang enforcement group ng Economic Sabotage council tulad ng NBI, PNP at Coast Guard ang manguna sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa mga nahuling kargamento para magkaalaman na,” wika ni Briones.
Ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act ay non-bailable at may katapat na parusang lifetime imprisonment, 5 times ang multa.
Kasabay nito, pinuri ni Briones ang pagpupursige nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Asec . Domingo Panganiban para imbestigahan ang nasabat na frozen mackerel.
Sinabi ni Laurel na maaaring maharap ang mga responsable sa smuggling sa kasong Anti-Agricultural Economic Sabotage Act dahil mahigit P10 milyon ang halaga nang nasabat na kargamento.
Malaki ang epekto ng naturang mga ilegal na aktibidad sa lokal na sektor ng agrikultura at pangisdaan.
Umaksyon na rin dito ang Bureau of Customs (BOC). Sinabi nito na nagpalabas sila ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa paglabag sa Section 1113 kaugnay ng Section 1400 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon kay Briones, dapat kasuhan ng customs ang mga salarin sa ilalim ng bagong batas na Anti-Agricultural Economic Sabotage Act at hindi sa CMTA dahil wala namang nakukulong simula nang maging batas ito dahil customs ang nag-iimbestiga at nagsasampa ng kaso.
Naniniwala ang marami na hindi magkakalakas ng loob ang mga smuggler kung walang kasabwat sa loob ng customs.
Nagtataka rin si Briones, kung bakit pilit ipinapasok ng BOC sa CMTA law ang kaso.
Babala ni Briones, kapag ipinasok ng BOC sa CMTA, mapipilitan na silang dumulog kina Pangulong Bongbong Marcos, Sec. Laurel at NBI para paimbestigahan nang malaliman at kaagad masampulan at makulong ang mga consignee, broker at mga tiwaling opisyal.
Dagdag ni Briones, kung hindi nagsikap ang DA at Bureau of Fishery na imbestigahan ito tiyak lusot na naman ang smuggling ng mackerel at galunggong.
Nanawagan ang mga sektor ng magsasaka kay Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa naturang talamak na pagpupuslit ng mga kargamento sa bansa sa pamamagitan ng Enforcement group tulad ng NBI, PNP, at coast guard upang kaagad mahuli ang consignee, broker, may-ari at kung sino ang mga kasabwat sa customs.
Sinabi ni Briones na isa ito sa kanilang adbokasiya ang ipaglaban ang trabaho at hanapbuhay ng mga mangingisda.
Natutuwa si Rep. Briones na sa kasalukuyan mayroon nang nagiging resulta ang kanilang paghihirap sa ginawa nilang batas, dahil mayroon nang nahuhuli at naipapakulong.
