SOCIAL WORKERS PINAGBABANTAAN NG MGA ‘DI KUNTENTONG SAP BENEFICIARIES

HUMINGI ng pag-unawa mula sa publiko ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) lalo na sa kanilang mga social worker na namimigay ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) dahil na rin sa nakatatanggap ang mga ito ng banta sa buhay kabasay ng pagtupad sa kanilang tungkulin.

Sinabi ni DSWD Undersecretary Rene Paje na ang iba ay namumura pa ng mga tao at napagbibintangan ng kung anu-ano.

“Kami po ay nakikiusap sa ating mga kababayan na huwag magalit, kundi ay bigyan ng tiwala at pang-unawa ang ating mga frontliner na ang nais lamang ay maipahatid ang mga benepisyo ng SAP (social amelioration program) sa mga nangangailangan,” ani Paje.

Nakipag-ugnayan na ang DSWD sa pulis at militar na bigyang tulong ang kanilang mga tauhan. Pero pinayuhan na rin nila ang kanilang mga tauhan na maging mapagpasensya.

“Sa mga frontliners naman natin, ganun din po ang aming hinihingi, ang pang-unawa at haba ng pasensya sa mga beneficiaries natin,” aniya pa.

Kabasay nito ay inilunsad ng isang dating mataas na opisyal ng Malakanyang ang tinatawag na #barangay challenge at #ilathala challenge, kung saan makatatanggap ng pera at bigas ang unang sampung barangay na makatutupad sa ikalawang distrito ng Batangas.

Sa anunsyo sa webpage na Batangas-Segundo Distrito, sinabi ni dating Presidential Anti-Graft Commissioner Atty. Nicasio Conti, na ang unang sampung barangay sa Segundo Distrito ng Batangas na mag-a-upload sa nasabing page na Batangas-Segundo Distrito ng listahan ng mga pangalan ng kanilang binigyan ng ayuda sa ilalim ng SAP ay bibigyan ng pabuyang tig P5,000.00 bilang pandagdag sa mga pangangailangan ng barangay.

Bukod dyan, tatanggap din ng tig-10 sako (25 kgs) ng bigas ang 10 barangay na mauuna.

Sinabi ni Conti na bahagi ito ng kanyang pakikiisa sa panawagan ni DILG Seretary Eduardo Ano na maging transparent ang Department of Social Welfare and Development at Barangay officials at lokal na pamahalaan, sa pagpili ng makikinabang ng ayuda sa ilalim ng Social Ameliorarion Program o SAP.

“Dapat po ay maging patas ang pagbibigay ng ayuda sa mga tao sapagkat lahat naman ay apektado. Pero kung talagang hindi kayang mabigyan lahat ng ayuda ay dapat yung kwalipikado talaga ang nasa listahan,” sinabi ni Conti.

Naniniwala rin si Conti na hindi lamang ang gobyerno ang dapat tumutulong sa mga tao.

“Nananawagan po ako ng pagkakaisa at pagdadamayan. Sumunod po tayo sa ating pamahalaan. Hindi po ito ang panahon ng pulitika o siraan.

Tayo ay magtulungan upang malagpasan ang dinaranas na kahirapan sa kasalukuyan,” sinabi ni Conti.

Nagbigay na si Conti ng P150,000 sa munisipalidad ng San Pascual, Batangas, 75 sako ng bigas sa bayan ng Tingloy, at nagkaloob ng halos 20,000 kilong bigas sa mga taga Segundo Distrito ng Batangas, kabilang ang bayan ng Lobo, Bauan, San Luis at Mabini. Namigay rin siya ng mga itlog at grocery packs. KIKO CUETO

144

Related posts

Leave a Comment