KUNG may bully umano sa isyu ng pagtapyas ng Kamara sa pondo ng Office of the Vice President (OVP), hindi ito ang Kongreso kundi mismo si Vice President Sara Duterte, ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña.
Tugon ito ni Cendaña sa pahayag ni Pwersa ng Pilipinong Pandagat (PPP) Rep. Harold Duterte, pinsan ng bise presidente, na tinawag na “bullying disguised as governance” ang ginawang pagbawas ng Kamara sa budget ng OVP.
“Linawin natin kung sino ang bully dito. Siya ang nagsabi ng ‘ay di ako pupunta d’yan kung walang masunod sa gusto ko’—na para bang anak ng Diyos na dapat bigyan ng espesyal na trato,” buwelta ni Cendaña.
Noong Biyernes, P733 milyon lang ang inaprubahang budget ng Kamara para sa OVP sa 2026 — mas mababa sa mahigit P902 milyon na hiling ng tanggapan. Ayon sa mga kongresista, ito’y parusa sa hindi pagdalo ni VP Sara sa budget deliberations upang ipaliwanag ang karagdagang pondo na hinihingi.
Giit ni Cendaña, hindi espesyal ang Bise Presidente para hindi ito sumipot.
“This is not bullying. Ang bullying ay ‘yung naniniwalang siya ay espesyal at dapat masusunod,” aniya.
Samantala, ikinatuwa ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima ang pagkakaisa ng Kamara na ipagtanggol ang institusyon matapos umano itong bastusin ni VP Sara.
“This is arrogance,” sabi ni De Lima. “Para tayong mga magulang na tinatabig ng anak na tumatangging magpaliwanag kung saan napunta ang baon. Paulit-ulit tayong binabastos ng Bise Presidente.”
(BERNARD TAGUINOD)
144 