HINATULAN ng Manila Regional Trial Court (RTC) ng guilty ang apat na personalidad sa dalawang magkahiwalay na kasong may kaugnayan sa smuggling.
Kasunod nito, sinabi ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno na malinaw ang mensahe ng mga naturang kaso na may kapalit ang paglabag sa batas.
Sa unang kaso, nahatulan ang isang indibidwal na umano’y gumamit sa YJC International Corporation bilang consignee-for-hire sa ilegal na pag-aangkat ng dalawang 40-foot container mula sa China noong Enero 3, 2021.
Idineklara ang shipment bilang plastic products, ngunit nang inspeksiyunin ng Customs ay natuklasang may nakatagong 1,599 karton ng sigarilyo na walang kaukulang import commodity clearances.
Dahil dito, hinatulan ang akusado ng pagkakakulong ng 12 taon at isang araw hanggang 15 taon at isang araw sa bawat bilang ng paglabag.
Sa ikalawang kaso, nahatulan naman ang presidente, bise presidente at corporate secretary ng ADNFinest Marketing Corporation kaugnay ng ilegal na pagpasok sa bansa ng mga sasakyan mula sa Dubai, United Arab Emirates noong Mayo 27, 2021.
Bagama’t dalawang sasakyan lamang ang idineklara sa shipment, natuklasan ng Customs ang hindi idineklarang 2020 Chevrolet Camaro ZL1 at 98 piraso ng used tires. Lumabas din sa imbestigasyon na walang kaukulang Certificate of Authority to Import Motor Vehicles ang naturang kumpanya.
Bawat isa sa tatlong opisyal ng kumpanya ay hinatulan ng pagkakakulong ng anim na taon at isang araw hanggang 10 taon at isang araw.
(JESSE RUIZ)
69 