KADA pamilya at hindi kada bahay ang bibigyan ng P8,000 ayuda ng pamahalaan sa pamamagitan ng Social Amelioration Program (SAP) sa lahat ng informal sector tulad ng drivers at vendors, taliwas sa ipinamamalita sa barangay, ayon kay Senate President Vicente Sotto III.
Sa panayam, sinabi ni Sotto na kahit tatlo ang bilang ng pamilya sa bawat bahay, bibigyan ng tig-P8,000 sila, hindi bawat bahay ang bigayan kundi bawat pamilya.
“Kailangan talaga ipaalam, katulad niyan, sa isang household daw, ang bigayan ay isa sa isang house, eh tatlo yung pamilya roon. Hindi ganoon ang usapan, hindi yun ang nasa batas. Ang sinasabi namin, bawat pamilya kahit lima yung pamilya roon sa isang household, bawat isang pamilya, isa. Hindi posibleng isang household,” paliwanag ni Sotto.
Ipinaliwanag pa ni Sotto na kabilang sa informal sector ang may trabaho ngunit hindi empleyado tulad ng magtataho, vendor sa palengke, taxi driver, jeepney driver na natigil ang pasada dahil sa quarantine.
“Basta natigil yung pagtatrabaho at walang kikitain, kasama yun doon sa tinatawag na informal sector,” dagdag pa niya.
Sinabi pa ni Sotto na kailangan ang information dissemination mula sa Executive Department, Local Government Units at Department of Interior and Local Government.
Kasabay nito, hiniling din ni Sotto sa pamahalaan na medyo luwagan ang rules sa pamamahagi o pagpili ng bibigyan ng ayuda dahil sapat ang pondo ng pamahalaan. ESTONG REYES
278 