SPEAKER DY: SISIGURADUHIN NG KAMARA NA BAWAT SENTIMO SA 2027 BUDGET AY MAPAPAKINABANGAN NG MGA PILIPINO

TINIYAK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Sabado na masusing susuriin ng House of Representatives ang bawat sentimo sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 upang matiyak na maayos na mailalaan ang pondo ng bayan, magiging malinaw at transparent ang pagtalakay dito, at maisasalin sa mga programang may tunay na pakinabang sa buhay ng mga Pilipino.

Sa isang press briefing matapos ang ikaapat na LegisHear public consultation sa South Cotabato, sinabi ni Speaker Dy na ang pambansang badyet ang kasalukuyang pinakamahalagang panukalang tinatalakay ng Kamara dahil direktang nakaaapekto ito sa mga komunidad at pamilya sa buong bansa.

“Alam ninyo, marami pong napakahalagang isinusulong ang House of Representatives, pero ang pinakamahalaga sa lahat ng isinusulong namin ay ang ating national budget,” ani Speaker Dy.

“Ngayon, naroon po kami sa proseso ng budget deliberation at sinisiguro namin na ang bawat sentimo, ang bawat pinagpawisan ng ating mga kababayang Pilipino, ay tama ang programming at allocation ng mga pondong ilalaan dito.”

Sinabi ng Speaker na direktang makaaapekto ang panukalang badyet hindi lamang sa Region 12 kundi sa mga komunidad sa buong Pilipinas. Dahil dito, mahalagang masusing suriin ng mga mambabatas kung saan mapupunta ang pera ng mga nagbabayad ng buwis at kung ano ang mga resultang maaasahan ng mga Pilipino mula sa paggasta ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Dy na mananatiling sentro ng deliberasyon sa badyet ang transparency habang sinusuri ng mga mambabatas ang mga panukalang pondo ng iba’t ibang departamento at ahensya ng pamahalaan.

“Ang Kongreso ngayon ay pinagsisikapan namin na talagang maging maayos at transparent ang bawat pagtatalakay sa bawat budget ng iba’t ibang departamento,” aniya.

Sinabi rin ng Speaker na suportado ng mga miyembro ng Kamara ang pagsisikap na matiyak na ang bawat pondong ilalaan ay may malinaw na pakinabang sa publiko, partikular sa pagpapabuti ng kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga pamilyang Pilipino.

“I’m very thankful that each member of the House talagang very supportive naman sila. Tinitingnan nilang mabuti na ang bawat pisong inilalaan sa isang proyekto ay dapat may impact sa kabuhayan at, kung maaari, ay makapagbigay o makaangat sa kabuhayan ng bawat pamilyang Pilipino,” aniya.

Nakumpleto ng House Committee on Appropriations, alinsunod sa itinakdang iskedyul, ang mga deliberasyon nito sa antas ng mga ahensya hinggil sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027.

Sa mga pagdinig, hiningan ang mga departamento at ahensya ng paliwanag at pananagutan kaugnay ng kanilang mga panukalang gastusin, programa, target at prayoridad.

Pormal na inanunsyo ni Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing ang pagtatapos ng mga pagdinig nitong Martes ng gabi, kasunod ng mosyon ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez na tapusin ang deliberasyon ng komite.

67

Related posts

Leave a Comment