Mass grave inihahanda na MV JUNE ASTER INFERNO: 76 PATAY, 13 NAWAWALA

IKINAKASA na ng mga awtoridad ang isang pansamantalang mass grave para sa mga bangkay mula sa nasunog na MV June Aster na hindi pa agad matukoy ang pagkakakilanlan.

Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), umakyat na sa 76 ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa insidente matapos marekober ang 41 bangkay mula sa loob ng ferry sa isinagawang search, rescue at retrieval operation.

Nananatili namang 43 ang bilang ng mga nakaligtas, na binubuo ng 30 pasahero, kabilang ang dalawang foreign tourist, at 13 tripulante. Patuloy din ang paghahanap sa kapitan ng barko na maaaring maging mahalagang saksi sa imbestigasyon.

Ayon kay PCG Spokesperson Noemie Cayabyab, isinakay sa BRP Cape Engaño ang mga labi ng mga biktima.

Kasama ang lokal na pamahalaan ng Coron, naghukay ang mga awtoridad ng pansamantalang mass grave sa San Nicolas Public Cemetery para sa mga bangkay na hindi pa nakikilala.

Naglagay rin ang mga awtoridad ng makeshift laboratory sa Borac Port, kung saan isinasagawa ng PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang proseso ng pagkilala sa mga nasawi.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng PCG at Maritime Industry Authority (MARINA) sa sanhi ng sunog na sinasabing nagsimula sa cargo deck ng ferry at mabilis na kumalat sa buong barko. Kabilang sa sinusuri ang ulat ng pagsabog at posibilidad na may electric vehicle na nasunog.

Batay sa mga larawang inilabas ng PCG, matinding pinsala ang tinamo ng loob ng barko dahil sa sunog, kung saan nakita rin ang mga labi ng mga biktima, abo at isang sasakyan.

Nagmula sa Baseco, Manila ang ferry at ilang kilometro na lamang sana ang layo sa Coron nang biglang sumiklab ang sunog.

Patuloy ang retrieval operation habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at managot ang mga posibleng responsable sa trahedya.

Independent Investigation – Kiko

Samantala, nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng mabilis, independent at masusing imbestigasyon sa pagkasunog ng MV June Aster sa Coron, Palawan.

Nagpaabot din siya ng pakikidalamhati sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga naghihintay pa rin ng balita tungkol sa kanilang mga nawawalang mahal sa buhay.

Ayon kay Pangilinan, kailangang matukoy ng imbestigasyon ang tunay na sanhi ng insidente, mga posibleng pagkukulang, mga dapat managot at mga repormang kinakailangang ipatupad upang hindi na maulit ang katulad na trahedya.

Binigyang-diin niya na pangunahing pananagutan ng pamahalaan ang kaligtasan ng mga pasahero, lalo na sa isang bansang arkipelago na libu-libong tao ang bumibiyahe sakay ng mga sasakyang pandagat araw-araw.

Iginiit ng senador ang mahigpit na pagpapatupad ng fire-prevention at fire-suppression systems, sapat na life-saving equipment, malinaw na emergency exits, tamang passenger manifest at wastong pagsasanay ng mga tripulante.

Layunin aniya ng mga hakbang na magkaroon ng mas ligtas na mga barko, mas mahigpit na inspeksyon, mas mabilis na emergency response at maibalik ang tiwala ng publiko sa paglalakbay sakay ng mga ferry.

(JESSE RUIZ at DANG SAMSON-GARCIA)

51

Related posts

Leave a Comment