SUMALISI SA ECQ, LASING TINAGA NG KATAGAY

DAVAO Occidental – Nauwi sa madugong insidente ang selebrasyon ng isang kaarawan kahit na mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ang public gatherings dahil sa community quarantine at state of health emergency, sa bayan ng Sta. Maria.

Alas-5:35 ng hapon noong Sabado, Marso 28, nangyari ang pananaga nang malasing ang dalawang lalaki sa kanilang dinaluhang selebrasyon sa Sitio Proper, Barangay Malalag Tubig, nitong bayan.

Agad namang nagresponde ang mga nagbabantay sa coronavirus disease (COVID-19) checkpoint na 200 metro lamang ang layo mula sa pinangyarihan ng gulo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga atoridad, kinilala ang biktimang si Roldan Dadizon Lamunda, 50, driver, habang ang suspek ay mismong kapitbahay niyang si Taipen Ambrosio Tumaquin, 47, walang trabaho.

Ayon sa mga saksi, nag-umpisang mag-inuman ang biktima at suspek bandang alas-3:10 ng hapon ngunit nang malasing ang mga ito ay nagkapikunan at nauwi sa mainitang pagtatalo.

Umuwi ang suspek ngunit makalipas ang ilang minuto ay bumalik na armado ng itak at agad tinaga ang biktima.

Nasugatan sa ulo ang biktima na agad dinala sa Pineda Hospital at kasalukuyang inoobserbahan ang kalagayan.

Nadakip ng Task Force COVID-19 ang suspek na isinailalim sa kustodiya ng Sta. Maria Municipal Police Station upang sampahan ng kaso. (DONDON DINOY)

170

Related posts

Leave a Comment