SAMAR -Natagpuan ng mga residente ang mga bahagi ng sunog na katawan ng isang babae sa tabi ng koprahan malapit sa gilid ng dagat sa Barangay Canunghan, sa bayan ng Tarangnan sa lalawigan noong Biyernes ng hapon.
Ayon sa Tarangnan Police, ilang barangay officials ang nakakita sa sunog na bangkay habang hinahanap ang isang babae na kinilalang si alyas “Joy”, napaulat na nawawala noong Biyernes ng umaga.
Base sa imbestigayon ng pulisya, halos hindi na makilala ang bangkay dahil sunog ang halos buong katawan nito.
Agad nakipag-ugnayan ang Tarangnan PNP sa SOCO Team para masuri at masiyasat ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay.
Kumuha rin ang mga awtoridad ng tissue sample mula sa labi na maaaring i-cross-match sa sample ng kamag-anak ng nawawalang babae.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Samantala, noong Sabado ng umaga, mga bahagi naman ng tsinap-chop na katawan ng tao ang natagpuan sa halos 300 metro ang layo mula sa lugar kung saan natagpuan ang sunog na bahagi ng katawan ng babae.
Isang mangingisda ang nakadiskubre sa putol-putol na katawan na nakasilid sa isang palutang-lutang na sako.
Inaalam pa ng pulisya kung iisang tao lamang ang sinunog at ang kinatay na katawan.
(NILOU DEL CARMEN)
