QUEZON – Nalagutan ng hininga ang isang lalaki na suspek sa pagpaslang sa isang bise alkalde ng lalawigan, matapos maka-engkwentro ng mga awtoridad sa Sitio Santa Ana, Brgy. Malao-a, Tayabas City, noong Biyernes ng umaga.
Ayon sa report ng Tayabas City Police, ang napaslang na suspek ay isang alyas “Orlando”, 52, residente ng nabanggit na lugar.
Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:00 ng umaga nang isilbi ng mga awtoridad ang warrant of arrest sa suspek para sa kasong pagpaslang, at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code).
Subalit pumalag umano ang suspek at nagpaputok, nagtulak sa mga awtoridad para gumanti ng putok.
Tinamaan ang suspek na isinugod sa Tayabas Community Hospital ngunit idineklarang wala nang buhay ng doktor.
Narekober mula pinangyarihan ng insidente ang isang caliber .45 na baril.
Ayon sa pulisya, si Orlando ay isa sa mga suspek sa pagpaslang kay dating Vice Mayor Danilo Amat ng Dolores, Quezon, na niratrat sa harap ng tanggapan ng isang abogado noong Hulyo 22, 2022, sa San Pablo City, Laguna.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang Tayabas Police sa insidente.
(NILOU DEL CARMEN)
