UNUSED FUND, PINARE-REALIGN PARA SA AYUDA

SA GITNA ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na i-realign ang mga hindi nagagamit na pondo para sa ayuda sa mga pinaka apektadong sektor.

Ayon kay Drilon, kung tutuusin ay hindi na kailangan pa ng special session para resolbahin ang mga hakbangin upang maibsan ang epekto ng oil price hikes.

Bukod sa realignment, muling iginiit ni Drilon na may kapangyarihan ang executive department na suspendihin ang ipinapataw na excise tax sa langis.

“Ang kailangan ay immediate relief. I-realign ang hindi nagagamit na pera, suspendihin ang excise tax. Iyan ay pwedeng gawin at hindi na kailangang tumawag ng special session,” saad ni Drilon.

Sa kabilang dako, iginiit ni Drilon na masalimuot na usapin ang pagbasura sa Oil Deregulation Law at malabong makayanan pa ng gobyerno.

Ipinaliwanag ng senador na kinakailangan ng sapat na pondo para sa pagkontrol sa presyo ng produktong petrolyo.

“Medyo masalimuot din iyan. Iyan ay ibabalik mo ang oil price stabilization fund. Malaking pondo ang ilalaan mo para patuloy ang supply ngunit ang presyo ay makokontrol mo dahilan sa meron kang inilaan na pondo para sagutin ang pagtaas ng presyo. Sa akin, hindi makakaya iyan. Iyan ay permanent change of policy,” giit ni Drilon. (DANG SAMSON-GARCIA)

149

Related posts

Leave a Comment