ILANG buwan makaraang kontratahin ng gobyerno ang mga tsuper sa ilalim ng service contracting program ng Department of Transportation (DOTR), muling nanawagan si Sen. Grace Poe na madaliin ang pagbabayad sa sektor na kinasangkapan ng pamahalaan.
Giit ni Poe, dapat nang bayaran ang lahat ng pagkakautang sa mga tsuper lalo pa’t naibigay na ang serbisyo at nariyan din naman ang pondo.
“Hirap na ang ating mga kababayan sa transport sector dahil sa pandemya, taas ng presyo ng langis at mahal na bilihin. Hindi na dapat dagdagan ang kalbaryo nila sa pagpapahintay sa bayad na dapat matagal na nilang nakuha,” sambit ng senador.
Aniya, kailangang mahigpit ang koordinasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na siyang nagpapatupad ng programa, sa Land Bank of the Philippines upang masigurong hindi naaantala ang pagbabayad sa mga drayber.
“Inaasahan natin ang madaliang pagkilos ng mga ahensya para agad mabayaran ang mga tsuper na umaasa dito. Bawat oras na lumilipas ay matagal na paghihintay sa gitna ng kanilang kakapusan,” diin pa niya.
Sa pagbubukas pa ng ekonomiya at pagpapaluwag ng mga restrictions, ipina-alala ni Poe na mas kailangan ngayon ng mga mamamayan ang dagdag na mga bus, jeep at iba pang pampublikong transportasyon para sa kanilang pagbiyahe.
“Ito ang talagang Catch 22—iyong mga pasahero, walang masyadong masakyan dahil punuan din iyong mga sasakyan na available ngayon.
Pero iyong mga drayber, wala namang insentibong pumasada dahil napakamahal ng gasolina,” paliwanag ni Poe.
Binigyang-diin pa ni Poe na ang service contracting program ay dapat tumugon sa tumataas na pangangailangan ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pagbubukas ng mas maraming negosyo at napipintong pagbabalik ng face-to-face classes sa ilang paaralan.
Iginiit ng senador na ang isyu ng pagkaantala sa pagbabayad, underspending at iba pang hadlang sa implementasyon ng programa ay dapat agad nireresolba upang mas marami ang magtiwala at makiisa sa inisyatibong ito.
Sa datos ng ilang organisasyon ng mga drayber ng bus, hindi bababa sa P18 milyon ang naiiwan pang bayarin sa kanila ng gobyerno.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 law na nag-expire noong Hun. 30, naglaan ng P5.58-bilyong pondo para sa service contracting program.
Gayunman, upang maipagpatuloy ang programa, naglaan ng karagdagang P3-bilyong pondo sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA).
“Kailangan pang bilisan ang pagbabayad ng natitirang bilyun-bilyong pondo sa ilalim ng programa. Walang puwang ang kawalan ng tugon sa gitna ng paghihirap ng ating mga drayber na humanap ng pagkakakitaan habang ang mga pasahero naman ay nag-aagawan ng masasakyan,” pahabol ni Poe. (ESTONG REYES)
216 