HINIMOK ni Senador Risa Hontiveros ang Energy Regulatory Commission (ERC) na gawing refund sa konsyumer ang ipinataw na multa sa energy players na responsable sa rotational blackouts.
Ito ay makaraang i-anunsyo ng ERC ang karagdagang power firms na pinatawan ng multa dahil sa paglabag sa pinapayagang mga araw ng pagkawala ng kuryente para sa 2020 at 2021.
“Nagpapasalamat tayo sa ERC sa pag-aksyon at pagpapanagot sa mga energy players na responsable sa rotational brownout, pero mas makikinabang ang konsyumer kung maibabalik sa kanila bilang refund ang multa na binabanggit ng ERC,” saad ni Hontiveros.
Kabilang sa mga pinagmulta ng ERC ang mga power generation firm na Power Asset and Liabilities Management Corp., Energy Development Corp., SPC Island Power Corp., Team Sual Corp., at Southwest Luzon Power Generation Corp.
Si Hontiveros ang nag-udyok sa ERC na tingnan ang pananagutan ng ilang generating companies na sabay-sabay na nag-offline o nag-derate ng kanilang kapasidad noong Mayo at Hunyo, na nagsanhi ng red alert status sa Luzon grid, rotational blackout at pag-akyat ng singil sa transmission.
“Maliliit lang itong penalties na ipinataw ng ERC, pero ang kalahating sentimong itinaas sa presyo ng kuryente nitong mga nakaraang buwan ay napalaki kung pagsasama-samahin ang ibinayad ng milyon-milyong konsyumer. Hindi na halaga ang hinahabol natin dito kundi hustisya na maibalik ang dapat ay sa kanila,” paliwanag ni Hontiveros.
Halimbawa, ang P0.05 kWh na pagtaas dahil sa pagtaas ng transmission o WESM charges sa bill ng Meralco ay katumbas ng P350,000 para sa isang kWh kapag inilabas mula sa bulsa ng lahat ng 7 milyong customer nito.
“Ngayon, konsyumers naman ang maniningil. Refund ang magpaparamdam sa kanila na may nanagot at may nasingil sa kapabayaan at kapalpakan sa rotational brownout,” dagdag pa ng senadora. (DANG SAMSON-GARCIA
228 