VIDA, NO COMMENT SA POSIBLENG SC BID NI OMBUDSMAN REMULLA

TIKOM ang bibig ni Justice Secretary Fredderick Vida sa posibilidad na maging susunod na Chief Justice ng Supreme Court si Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.

“I cannot comment on that. I’m a member of the JBC,” pahayag ni Vida sa media.

Ipinaliwanag ng kalihim na bahagi siya ng Judicial and Bar Council (JBC), ang lupon na magsasala sa mga aplikante para sa bakanteng posisyon sa Korte Suprema.

Samantala, sinabi ni Remulla nitong Huwebes na hindi siya nag-a-apply para sa posisyon ng Chief Justice at nais muna niyang tapusin ang kanyang tungkulin bilang Ombudsman.

Magkakaroon ng bakante sa posisyon ng Chief Justice kasunod ng mandatory retirement ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa Nobyembre 6, 2026.

Kaugnay nito, nagpahayag naman ng saloobin si Atty. Ariel Inton hinggil sa posibleng hahalili kay Remulla bilang Ombudsman sakaling lumipat ito sa Korte Suprema.

Ipinunto ni Inton ang mga posibleng epekto sa mga kasalukuyang kaso sa Office of the Ombudsman sakaling magkaroon ng pagbabago sa pamunuan nito, kabilang ang mga reklamong may kaugnayan sa kontrobersiya sa mga flood control project.

Kabilang sa mga kasong hinihintay ng publiko ang mga reklamong inihain laban sa mga personalidad na inuugnay sa umano’y anomalya sa flood control projects, kabilang si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon kung maghahain si Remulla ng aplikasyon para sa posisyon ng Chief Justice. Sakaling mag-apply siya at mapasama sa shortlist ng JBC, saka pa lamang magkakaroon ng pormal na proseso para sa kanyang nominasyon.

(JULIET PACOT)

197

Related posts

Leave a Comment