(BERNARD TAGUINOD)
HINDI nag-resign kundi pinatalsik bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso si Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano.
Ito ang nilinaw ni 1PACMAN party-list Rep. Mikee Romero taliwas sa ipinangangalandakan umano ni Camarines Sur Rep. Luis Raymod Villafuerte.
“I would like to refute this statement by LRay. Congressman LRay Villafuerte because October 12, at twelve noon, 186 lawmakers outsted Alan Cayetano as speaker.”
Ang binabanggit ni Romero ay ang session ng mga ito sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City kung saan 186 congressmen ang bumoto ng pabor sa mosyon ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza na ideklarang vacant ang Speakership position sa Kamara.
Kalaunan ay ibinoto ng 186 kongresista si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang Speaker at inulit ito sa plenaryo ng mababang kapulungan kinabukasan.
Habang nagbobotohan sa plenaryo ng Kamara ay nag-FB live si Cayetano at sinabing nagre-resign ito bilang Speaker ng Kamara.
“I don’t think he resigned for what purpose di ba? Because he was already ousted a day before. I’m just being factual,” dagdag pa ni Romero na presidente ng Party-list Coalition Foundation Inc.
Nagbabala rin ang mambabatas sa mga susunod na lider ng Kamara na huwag gamitin ang kanilang kapangyarihan para gawing “barkadahan” ang Kapulungan dahil maraming magagalit.
“The House is made up of 300 members. You cannot lead with only 20 to 24 exclusive members of the group,” ayon pa sa mambabatas.
Si Romero ay kabilang sa 22 Deputy Speaker sa Kamara sa ilalim ng liderato ni Cayetano subalit sinibak ito sa kanyang puwesto dahil kabilang umano ito sa grupo ni Velasco.
“This is a lesson for leaders who want to be Speaker in the future. Hindi ito barkadahan. The House of Congress is the House of the People,”dagdag pa ni Romero sa isang TV interview.
Majority Coalition
Nabuo na ulit ang Majority Coalition sa Kamara matapos sumama kay House Speaker Lord Allan Velasco ang Nationalista Party (NP) na kinabibilangan ni dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Habang sinusulat ito ay napirmahan na umano ng mayorya sa NP congressmen ang manifesto para suportahan ang liderato ni Velasco na miyembro ng administration party na PDP-Laban.
Walang impormasyon kung kasama sina Cayetano at Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte sa lumagda sa manifesto subalit mayorya umano sa 50 miyembro ng lapian ni dating Senate President Manny Villar ay nakapirma na.
“Lilipat na rin daw ang NP. May manifesto daw sila at may meeting sila with Lord [Velasco],” ayon sa impormante.
Nakipagpulong na rin ang pangulo ng National Unity Party (NUP) na pinamumunuan ni Dasmaribas City Rep. Elpidio Barzaga kay Velasco para sa pormal na pagsuporta sa bagong liderato ng Kamara.
Noong Martes ay unang kumalas ang Lakas-CMD at Liberal Party (LP) kay Cayetano para suportahan ang liderato ni Velasco.
Binubuo ng halos lahat ng partido ang Majority Coalitoin sa Kamara na kinabibilangan ng Nationalist People’s Coalition (NPC), NUP, Lakas, LP, NP at mga party-list group.
Apology accepted
Samantala, agad tinanggap ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paghingi ng tawad ni Cayetano.
Sa naging pulong ni Cayetano kay Pangulong Duterte nitong Martes, humingi siya ng paumanhin sa Chief Executive lalo pa’t inisip niyang dapat siyang manatili bilang House Speaker hanggang sa maipasa ang 2021 national budget, taliwas sa term-sharing deal kung saan dapat ay bumaba at magbitiw siya sa puwesto ngayong buwan at bigyang-daan si Velasco.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na gaya ng sinabi ni Senador Bong Go na ang pulong ng Pangulo kina Velasco at Cayetano ay “like a father to both”.
“Of course, a father would accept apology from a son. All is well that ends well,” ayon kay Sec. Roque. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
