MAY posibilidad na bahagyang maibsan ang nararanasan ngayon na labis na tag-init dala ng El Niño phenomenon dahil tinututukan ngayon ng state weather bureau ang Super Typhoon Champi na posibleng pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) bukas, araw ng Martes na maaaring magpa-ulan sa Hilagang bahagi ng Luzon at Bicol region.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), sakaling magtuloy-tuloy sa tinatahak na landas ang Typhoon Champi, tatawagin itong Tropical Storm Rosal na maaaring may dalang malakas na hangin at mga pag-ulan.
Ayon sa inilabas na weather bulletin ng PAGASA nitong Linggo ng umaga, naging ganap na super typhoon si Champi habang tinatahak ang karagatan malapit sa Guam.
Nitong Linggo, tinatayang nasa 2,230 kilometro sa silangan ng Southeastern Luzon, ang bagyo at tinatahak ang kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour (kph).
May maximum sustained winds ang super typhoon na 185 kph malapit sa gitna at bugso na umaabot sa 230 kph.
Ayon sa pagtataya ng PAGASA, mapapanatili ng bagyo ang taglay nitong lakas habang papalapit sa PAR.
“In anticipation of strong winds or higher associated with the upcoming [tropical cyclone],” inihayag ng PAGASA na posibleng magtaas sila ng Wind signals sa malaking bahagi ng northern Luzon at ilang bahagi ng Bicol Region bukas ng gabi.
Inaasahang makararanas ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon, sa Visayas at Mindanao, Miyerkoles hanggang Huwebes. Malakas na pag-ulan din ang posibleng mararanasan sa dulong bahagi ng northern Luzon.
Ngayong Lunes ay sinasabing maaaring makaranas ng magandang panahon ang Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon maliban sa panaka-nakang pag-ulan sanhi ng localized thunderstorms.
Habanag magdudulot naman ng mga pag-ulan o thunderstorm ang umiiral na intertropical convergence zone, sa Palawan, sa Zamboanga Peninsula, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Misamis Occidental at Basilan.
(JESSE RUIZ)
106 