(NI HARVEY PEREZ)
AARANGKADA na ang voter registration sa ilang malls sa buong bansa matapos lumagda ng kasunduan ang pamunuan ng Commission on Elections (Comelec) at Robinsons mall.
Sa ilalim ng nilagdaang memorandum of agreement (MOA) ng Comelec at ng mga opisyal ng Robinsons, bubuksan ang may 52 malls nila sa buong bansa, kung kailangan ng poll body, para magamit sa voters registration.
Dumalo sa naturang MOA signing sina Comelec Chairman Sheriff Abas at Comelec Spokesperson James Jimenez, at sina Mr. Irving Wu, Operations Director, at Ms. Tess Miranda, Special Projects Manager ng Robinsons Land Corporation (RLC).
Ayon kay Jimenez, target matapos ang arrangement para sa mall registration sa susunod na linggo.
Isasagawa umano ang mall registration tuwing weekend at posible ring magkaroon ng weekdays sa ilang lugar, depende sa pangangailangan.
Inaasahan ng Comelec na sa tulong ng kanilang mga satellite registrations ay tataas pa ng 50% ang bilang ng mga nagpaparehistro sa oras na masimulan ang mall registration dahil makapagpaparehistro na rin maging ang mga kababayan nating hindi nagpaparehistro dahil sa inconvenient sa kanilang magtungo sa mga tanggapan ng Comelec.
Una nang nagsimula ang voters registration noon pang Agosto 1 at tatagal hanggang Setyembre 30.
Sinabi rin ni Abas na kung matutuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Mayo, 2020 ay hindi na nila palalawigin ang voter’s registration na ginagawa ngayon sa bansa.
