ARESTADO ang isang cellphone technician na suspek sa kasong murder sa Lanao del Sur, makaraang matunton ng mga operatiba ng Manila Police District – Baseco Police Station 13, sa Quiapo, Maynila noong Linggo ng gabi.
Kinilala ang suspek na si alyas “Alnor Macabalang”, nasa hustong gulang, at nanunuluyan sa Port Area, Manila.
Ayon sa ulat ni Police Lieutenant Arman Dela Cruz, hepe ng Warrant and Investigation Section, kay Police Lieutenant Colonel Emmanuel Gomez, station commander ng Baseco Police Station 13 ng MPD, bandang alas-11:00 ng gabi nang maaresto ang suspek sa naturang lugar, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Samino Sampaco Macapando-Usman ng Regional Trial Court Branch 8 ng Marawi City, Lanao Del Sur. (RENE CRISOSTOMO)
