₱366.65 MILYONG HALAGA NA NG DROGA, NASAMSAM SA NASIRANG YATE SA SUBIC

SUBIC—Nadiskubre pa ng mga awtoridad ang karagdagang 109 pakete ng hinihinalang high-grade marijuana o “kush,” na tumitimbang ng humigit-kumulang 123.91 kilo at may tinatayang halaga na ₱204.44 milyon, sa nagpapatuloy na inspeksyon sa isang nasirang yate na dumaong sa Subic Bay Yacht Club.

Ang karagdagang droga ay natuklasan ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)–Port of Subic, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), sa nagpapatuloy na joint law enforcement operation sa nasabing sasakyang-dagat.

Nauna nang nakarekober ang mga awtoridad ng 94.597 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana “kush,” na nagkakahalaga ng ₱141.895 milyon.

Sa ulat ng BOC at PDEA, ipinagpatuloy ang masusing paghahalughog at inspeksyon sa yate, katuwang ang mga kinatawan ng Department of Justice (DOJ), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at Subic Bay Metropolitan Authority Law Enforcement Department (SBMA-LED).

Ayon sa mga awtoridad, dumaong ang yate sa Subic Freeport matapos umanong magkaroon ng aberya ang makina at air-conditioning units nito na kinailangang kumpunihin bago ipagpatuloy ang biyahe mula Thailand patungong Taiwan.

Dahil sa pinakahuling pagkakatuklas, umabot na sa 198 pakete ng hinihinalang high-grade kush ang kabuuang nakumpiska mula sa yate, na may tinatayang halaga na ₱366.65 milyon.

Ayon kay District Collector Atty. Geniefelle P. Lagmay ng Port of Subic, ipinapakita ng patuloy na operasyon ang kahalagahan ng koordinadong pagpapatupad ng batas upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

“Ang karagdagang pagkatuklas na ito ay nagpapakita na ang aming trabaho ay hindi nagtatapos sa unang pagkakahuli. Patuloy nating susuriin at kakalasin nang husto ang mga sasakyang-dagat kung kinakailangan upang matiyak na ang bawat posibleng pagtaguan ay masuri,” pahayag ni Lagmay.

Binigyang-diin naman ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno na sinusuportahan ng operasyon ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border security at paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga at iba pang banta sa kaligtasan ng publiko.

“Ang operasyong ito ay nagpapatunay na ang aming mga pagsisikap sa pagpapatupad ng batas ay hindi nagtatapos sa unang pagsamsam. Patuloy kaming makikipagtulungan nang malapit sa ating mga kasamahan sa pagpapatupad ng batas at magsasagawa ng mga masusing inspeksyon upang matiyak na walang mga iligal na droga ang makakarating sa ating mga komunidad,” ani Nepomuceno.

Samantala, ipinagkatiwala sa PDEA ang mga nakumpiskang droga para sa wastong pangangalaga at disposisyon alinsunod sa umiiral na mga pamamaraan. (JESSE RUIZ)

115

Related posts

Leave a Comment