PAGPAPALAWAK SA FREE TERTIARY EDUCATION PROGRAM PIRMADO NA

TININTAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Biyernes ang batas na nag-aamyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTE) upang higit na mapalawak ang access sa abot-kaya at dekalidad na higher education para sa mga estudyanteng Pilipino.

Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act (RA) No. 12325, o ang “Act Enhancing the Universal Access to Quality Tertiary Education,” sa isang seremonya sa Malacañang.

Ayon sa Pangulo, binibigyang-diin ng bagong batas ang commitment ng administrasyon na gawing mas accessible ang tertiary education para sa mga estudyanteng nahaharap sa financial barriers, kabilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“The original law made tuition and other school fees free in public higher education and state-run technical-vocational institutions while providing assistance to learners with limited financial means through the Tertiary Education Subsidy (TES),” ani Pangulong Marcos.

“Today, we take that another step further. The amendments ensure that government assistance reaches those who need it most, particularly students from poor and disadvantaged families, including qualified 4Ps beneficiaries,” dagdag niya.

Layunin ng batas na mapahusay ang implementasyon ng free tertiary education program at makapagbigay ng higit na suporta sa mga kwalipikadong estudyanteng nagsusumikap na maipagpatuloy ang kanilang higher education.

Sa ilalim ng bagong batas, inaatasan ang lahat ng state universities and colleges (SUCs), local universities and colleges (LUCs), at state-run technical-vocational institutions (TVIs) na magpatupad ng Equity and Inclusion Plans para suportahan ang mga estudyanteng mula sa disadvantaged backgrounds.

Kabilang sa mga hakbang ang fee waivers at priority access sa mga pasilidad.

Kasama rin sa mahahalagang policy amendments ang pagpapalawak sa TES, pagtatatag ng education assistance, regular na pag-a-adjust ng grants at pagpapahusay sa accountability monitoring.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na magpapatuloy ang pamumuhunan ng gobyerno sa education at skills development, na aniya ay mahalaga sa pagpapataas ng productivity, employment opportunities at national competitiveness.

“While we have opened the doors of our public colleges, universities, and technical-vocational institutions, the responsibility of government does not end there. We must help all our learners remain in schools or training until they complete their studies and acquire the skills they need to succeed,” ayon kay Pangulong Marcos.

Ang orihinal na UAQTE, o RA No. 10931, ay nagbibigay ng libreng tuition at iba pang school fees sa mga kuwalipikadong estudyante sa SUCs, LUCs at state-run TVIs. Itinatag din nito ang TES at student loan programs upang matulungan ang mga estudyante sa iba pang gastusin sa edukasyon.

Sa ilalim ng RA No. 12325, pinalalawak ang saklaw ng TES, kabilang ang subsidiya para sa internship o Related Learning Experience, professional licensure expenses at allowance para sa mga estudyanteng may kapansanan.

Pinapayagan din ang one-year extension para makumpleto ang programa sa ilalim ng mga justifiable circumstances.

Nagtatakda rin ang batas ng pilot program para suportahan ang mga disadvantaged students na kumukuha ng priority programs sa private higher education institutions at TVIs, bilang pagkilala sa complementary role ng public at private education sectors.

Inaatasan din nito ang Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UnIFAST) Board na rebisahin at i-adjust ang halaga ng TES kada dalawang taon upang matugunan ang epekto ng inflation at pagbabago sa education costs.

Sa ilalim ng bagong batas, magtatatag din ng single learner reference code upang mapahusay ang pagtukoy at monitoring sa mga benepisyaryo mula secondary hanggang tertiary education.

Samantala, inatasan ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magtatag ng pormal na komite na tutugon sa mga reklamo ng mga estudyante.

Ipinag-uutos din ng batas ang pagsusumite ng komprehensibong taunang ulat sa Kongreso hinggil sa program outcomes, kabilang ang employment tracer studies at budget utilization.

(CHRISTIAN DALE)

70

Related posts

Leave a Comment