MWSS OFFICIALS KAKASUHAN SA OMBUDSMAN

MWSS1

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG hindi magre-resign ang mga regulator ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa pangunguna ni chief regulator Patrick Ty, mapipilitan na ang mga militanteng mambabatas na kasuhan ito sa Office of the Ombudsman dahil hindi nila pinapatawan ng penalty ang Manila Water.

Sa press conference sa Kamara, kinumpirma nina ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na naghahanda na ang mga ito para kasuhan ng “negligence of duty” si Ty at iba pang mga regulator ng MWSS.

“Pumapasa na sa “negligence of duty” ang hindi nila (grupo ni Ty) na magpapatupad Section 10.4 o sa  accountability ng water concessionaires kapag hindi nakatupad sa agreement na  27/7 na water service ay kailangang patawan ng penalty,” ani Casilao kaya kakasuhan na ang mga ito sa Ombudsman.

Ayon naman kay Tinio, mistulang sinasadya ni Ty na huwag ipatupad ang nasabing provision sa concession agreement na kapag wala pa ring tubig ang lahat ng mga customers ng Manila Water pagkalipas ng 15-araw ay puwede nang magpataw ng penaltay ang chief regulator.

“Yung 15 days na yun lumipas na, March 23 pa yun. So Mula March 23, puwede nang mag-impose, maningil ng penalty,” ani Tinio subalit hindi ito ginagawa umano ng grupo ni Ty sa Manila Water na hanggang ngayon ay hindi pa 100 percent ang serbisyo mula nang magka-problema sa supply noong Marso 7, 2019.

Sa ilalim ng nasabing probisyon, kailangang patawan ng penalty na katumbas ng 25% na halaga ng gagastusin ng Manila Water para maibalik ang 100 percent service subalit hindi ito ginagawa ni Ty.

“Nilalabag ni Ty ni ang sariling provision. Talagang ngayon ayaw nilang gampanan ang kanilang obligasyon,” ayon pa kay Tinio kaya walang magawa umano ang mga ito kundi kasuhan ang mga ito sa Ombudsman.

Muling hinamon ng mambabatas si Ty at mga kapwa nitong mga regulator na magbitiw na sa kanilang puwesto upang mapalitan ang mga ito ng mga opisyales na poprotekta sa interes ng mga consumers.

 

162

Related posts

Leave a Comment