KAILANGAN NG IISANG AHENSYANG MAMAMAHALA SA TUBIG

BADILLA NGAYON

ALAM nating lahat na napakahalaga ng tubig, sapagkat ginagamit natin ito sa napakaraming bagay, kabilang na ang pagligo, pagdumi at pagsipilyo.

Ngunit ang tubig ay nakararating sa bawat bahay sa pamamagitan ng mga kompanya o kooperatibang namamahala sa distribu­syon nito.

Hindi pag-aari ng mga kompanya at kooperatiba ang tubig, kundi ng estado.

Kapag sinabing estado, kasama ang mamamayan.

Sa distribusyon ng tubig kumikita ang mga kompanya at kooperatiba.

Ang hindi alam ng mga Filipino, napakaraming ahen­syang namamahala sa tubig sa buong bansa, ayon kay Senadora Grace Poe.

Sa kanyang talumpati nitong Disyembre 11, isiniwalat ni Poe na mayroong 30 ahensya na nagpapatakbo at namamahala sa tubig sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ani Poe, mayroong 574 water districts sa buong bansa, habang 1,500 water utilities sa mga pamahalaang lokal.

Maliban diyan, umiiral ang 500 rural water supply associations, 200 koope­ratiba at 900 iba’t ibang pribadong kompanya.

Napakarami, ngunit nadiskubre ni Poe na mayorya sa mga ahensya at kompanyang namamahala ng tubig sa buong bansa ay walang malinaw at maayos na gabay sa babayarang taripa o buwis sa pamahalaan.

Ang suliranin sa kawalan ng ma­linaw at maayos na gabay sa taripa ay resulta ng kawalan ng iisang ahensya na namamahala sa tubig sa bansa.

Mayroon tayong Metro­politan Waterworks and Sewe­rage System (MWSS), MWSS- Regulatory Office (MWSS-RO) at Local ­Water Utilities Administration (LWUA) na magkakahiwalay sa isa’t isa.

Ang problema, walang iisang kagawaran, komisyon o ahensyang kumukumpas sa kanila.

Idiniin ni Poe, napakalaki ng suliranin sa pamamahala ng tubig sa maraming ba­hagi ng bansa na kailangang resolbahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang ahen­syang mamahala sa mga ito.

Sana, ang pagbubuo ng iisang ahensya ang tamang solusyong pag-aaralan at babalangkasing panukalang batas ng komite ni Senadora Poe.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)

89

Related posts

Leave a Comment