10 BUWAN ANG NAKALIPAS PERO DEPT. OF HOUSING BLANGKO PA RIN

(NI BERNARD TAGUINOD)

SAMPUNG  buwan pagkatapos pirmahan ang Republic Act (RA) 11201 o Deparment of Housing Settlements and Urban Development (DHSUP) subalit hindi pa naitatatag ang nasabing departamento.

Ayon kay Kabayan party-list Rep. Ron Salo, mahalaga ang papel ng nasabing ahensya sa panahon ng kalamidad lalo na sa mga kabahayan na masisira tuwing may bagyo.

Gayunpaman, hanggang ngayon ay hindi pa naitatatag ang nasabing ahensya kung saan pag-iisahin ang lahat ng mga opisina na may kinalaman sa pabahay  tulad ng National Housing Authority (NHA) at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at iba pa.

“Dapat sana meron na tayong DHSUP Secretary na nakatutok na rin sa disaster response and recovery operations for residential areas,” ayon sa nasabing mambabatas.

Mahalaga aniya ang papel ng nasabing departamento habang hindi na naisasabatas ang Department of Disaster and Resilience (HDR) sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyong Tisoy na nanalasa sa Bicol region.

Base sa nasabing batas na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 2019, kailangang matapos na ang transition sa loob ng 6 na buwan subalit hanggang ngayon ay walang balita ukol sa departamentong ito.

“Kailangan nating malaman ang sitwasyon. Sayang ‘yung panahon. Sampung buwan na ang lumipas, wala man lang opisyal na impormasyon tungkol sa estado ng implementasyon ng RA 11201,” ani Salo kaya kailangang magpaliwanag umano ang HUDCC ukol dito.

 

182

Related posts

Leave a Comment